MANILA, Philippines - Pagsisikapan ng four-time defending champions na San Beda College na mapanatili ang malinis na karta sa pagsagupa sa St. Benilde sa 90th NCAA men’s basketball tournament ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Sa ganap na alas-2 ng hapon magtutuos ang dalawang koponan at susundan ito ng pagkikita ng San Sebastian Stags at Mapua Cardinals sa alas-4.
Hanap ng Stags ang makakalas sa pagkakatabla sa pahingang Perpetual Help Altas sa ikaapat na puwesto bitbit ang 3-2 baraha.
Galing ang Red Lions sa kumbinsidong 81-55 demolisyon sa Emilio Aguinaldo College Generals sa huling asignatura pero hindi puwedeng magpabaya ang koponan dahil may dalawang sunod na panalo ang Blazers matapos ang 0-3 panimula.
Depensa ang pangunahing sandata ng tropa ni coach Boyet Fernandez at makakatulong kung puputok din sa opensa sina Ola Adeogun, Arthur dela Cruz, Baser Amer at Anthony Semerad.
Samantala, si Jiovani Jalalon ng Arellano ang hinirang na ACCEL Quantum/3XVI NCAA Press Corps Player of the Week.
Kinapos ng 3 steals si Jalalon para sa ikalawang triple-double sa taon nang maghatid ng 21 puntos,13 assists at 7 steals sa 96-86 panalo ng Chiefs sa Stags.
Sa 97-85 paglampaso sa Altas, nagtala si Jalalon ng 16 puntos, 7 assists at 6 rebounds.