Donaire walang problema sa timbang

MANILA, Philippines - Natanggal na ni Nonito Donaire Jr. ang sobra niyang timbang sa final preparation para sa kanyang laban kontra kay  South African Simpiwe Vetyeka ngayong Sabado sa Macau.

Mula sa 140 pounds nang dumalo ito sa press conference ilang linggo pa lamang ang nakakaraan, nasa 128  pounds na lamang siya ngayon, limang araw bago ang laban.

Hangad ni Donaire ang WBA featherweight title ni Vetyeka sa kanilang paghaharap sa 15,000-seat Cotain Arena sa The Venetian Hotel.

Ang weight limit ay itinakda sa126 pounds at inaasahang walang magi-ging problema si Donaire sa Biyernes sa  official weigh-in, dakong alas-3 ng hapon sa Bellini Lounge ng napakalaking hotel.

Ang pagbabawas ng timbang ay hindi problema kay Donaire dahil sanay na siya dito.

Ayon sa <http://www.philboxing.com>, nakapagbawas ng 10 pounds sa isang araw si Donaire noong 2011 sa kanyang pagharap kay Omar Narvaez at para sa kanyang laban kontra kay Vic Darchinyan noong November ay nakabawas siya ng five pounds sa loob lamang ng 24 hours.

“No worries,” sabi ni Donaire ukol sa kanyang timbang.

Lumipad si Donaire patungong Macau nitong weekend kasama ang asawang si Rachel at ang kanyang tatay at trainer na si Nonito Sr.

 Ang fight promoter na Top Rank ang nag-ayos ng grand arrival para sa dalawang boxers sa alas-6 ng gabi bukas sa main lobby ng The Venetian. May press conference sa alas-2:30 p.m. sa Huwebes.

Show comments