14-kabayo maglalaban-laban sa 2014 Hopeful Stakes Race

MANILA, Philippines - May 14 na kabayo ang maghahangad na mapanalunan ang 2014 Philracom Hopeful Stakes race na isa sa dalawang malalaking stakes races na gagawin sa linggong ito para sa mga edad tatlong taong gulang na kabayo.

Ang  Metro Turf sa Malvar, Batangas ang siyang pagdarausan ng labanang ito na inilagay sa 1,600-metro distansya at ang Hopeful ay sinahugan ng P1 milyong prem­yo ng nagtataguyod na Philippine Racing Commission (Philracom).

Ang mga magsusukatan ngayon ay ang Heart­ofabull, Hermosa Street, Hidden Moment, Jazz Again, Love Na Love, Lucky Leonor, Malaya, Up And Away, Wild Talk, Wo Wo Duck at mga coupled entries Castle Cat at Marinx at Hello Patrick at The Lady Wins.

Naunang naisama sa deklarasyon ang kaba­yong Misty Blue ngunit inilagay na lamang ito sa reserve dahil sobra na ang bilang ng mga tatakbo.

Bukod sa P600­,­000.00 unang gantimpala, mahalaga ang makukuhang panalo dahil makakasama ito sa mga tatakbo sa se­cond leg ng Triple Crown.

Ang unang yugto ng prestihiyosong karera para sa mga three year old horses ay gagawin bukas na sasalihan ng siyam na kabayo at sinahugan ng P3 milyong gantimpala.

Tumataginting na P1.8 milyong premyo ang mapapasakamay sa papalaring kabayo bukod pa sa bukod-tanging kabayo na puwedeng kilalanin bilang isang Triple Crown champion.

Maituturing ang mga kabayo na Malaya at Up And Away bilang mga paborito dahil sa mga panalong naitala sa mala­laking karera na sinalihan.

Ang mga di papalarin ay puwedeng sumali sa 2nd leg ng Hopeful na itatakbo sa Hunyo 21 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite habang ang ikatlong leg ay sa Hulyo 26 sa San Lazaro Leisure Park, Carmona, Cavite.

Magkakamit ng P225,000.00 ang may-ari ng kabayong papangalawa sa karera habang ang papangatlo at papang-apat ay mayroong P125,000.00 at P75,000.00. (AT)

Show comments