Lady Stags nakapagpakondisyon

MANILA, Philippines - Ang pagkakaroon ng mahabang pahinga ay tiyak na ginamit ng San Sebastian Lady Stags para maikondisyon ang sarili sa do-or-die game sa pagtatapos ng Shakey’s V-League Season 11 First Conference elimination round ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Katunggali ng multi-titled Lady Stags ang baguhan pero mahusay na Davao Lady Agilas sa ganap na ika-2 ng hapon at kailangan nila ang panalo upang magpatuloy pa ang laban sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.

Sa 1-3 karta, dapat na manaig ang Lady Stags sa Lady Agilas para makatabla ang pahingang FEU Lady Tamaraws sa ikaapat at huling puwesto na aabante sa quarterfinals.

Kapag nangyari ito, magkakaroon ng playoff ang San Sebastian at FEU para malaman kung sino ang makakasama ng nagdedepensang kampeon National University Lady Bulldogs, Lady Agilas at UST Lady Tigresses sa susunod na round.

Makikipagtipan naman ang UST sa talsik ng Perpetual Help Lady Altas sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon hanap na maisulong ang winning streak at apat para lalong tumaas ang morale ng koponan sa playoffs.

Noon pang Abril 13 huling naglaro ang Lady Stags at natalo sila sa UST.

Nakaapekto sa kampanya ng San Sebastian ang pagkakaroon ng ankle injury ng power hitter na si Gretchel Soltones.

Inaasahang maayos na ang injury na ito ni Soltones bunga ng mahabang pahinga upang makatuwang sina Ryzabelle Devanadera, Joline Labiano at Czarina Berbano.

Hindi naman basta-basta patatalo ang Davao selection na hangad ang makabalikwas agad matapos lasapin ang unang kabiguan sa kamay ng UST noong Linggo.

Ang matibay na pagtutulungan nina May Agton, Venus Flores, Jocemer Tapic at Angel Mae Antipuesto ang ipakikita muli ng Lady Agilas upang magkaroon din ng momentum papasok sa quarterfinals sa ligang may suporta pa ng Mikasa, Accel at Lion Tiger Mosquito Coil.

 

Show comments