Rios nagsimula na sa pagsasanay

MANILA, Philippines - Nagsimula na ng kanyang training session si Brandon ‘Bam Bam’ Rios bilang paghahanda sa kanilang upakan ni Manny Pacquiao.

Ang kasalukuyang kasama ni Rios sa kanyang pagpapakondisyon ay ang bagitong si Arturo Tovar na may 2-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang dalawang knockouts.

Sinabi ni Mexican chief trainer Robert Garcia, humahawak din sa pag-eensayo ni Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr., na tatlong boksingero ang kanyang kukunin para maging sparring partners ni Rios.

Maghaharap sina Pacquiao (54-5-2, 38 KOs) at Rios (31-1-1, 23 KOs) sa isang non-title, welterweight fight sa Nobyembre 23 sa The Venetian sa Macau, China.  

Nakatakdang dumating sa Pilipinas si chief trainer Freddie Roach para sa maigting na pagsasanay ng Filipino world eight-division champion na si Pacquiao sa General Santos City.

Kamakailan ay napuwersa ang kanang bukung-bukong ng 34-anyos na Sarangani Congressman dahil sa paglalaro ng basketball.

Dalawang Chinese at isang Briton ang ilan sa mga magiging sparring partners ni Pacquiao sa kanyang training camp sa General Santos City, ayon kay Roach.

Ang mga ito ay sina Olympic Games gold medalist flyweight Zou Shiming (1-0-0) at lightweight Yang Lian Hui (13-0-0, 9 KOs) ng China at light middleweight Liam Vaughan (8-1-0, 2 KOs) ng Great Britain.

Isang buwan ang magiging training camp ni Pacquiao sa GenSan at ang matitirang dalawang linggo ay gagawin nila ni Roach sa Macau, China.

 

Show comments