Cuello pasado sa weight limit

MANILA, Philippines - Kagaya ng kanyang naunang pahayag, pumasa si Filipino challenger Denver Cuello sa weight limit para hamunin si world minimumweight champion Xiong Zhao Zhong ng China sa isinagawang weigh-in noong Huwebes ng gabi sa Moevenpick Hotel Battuta sa Dubai, UAE.

Nakatakdang labanan kagabi ni Cuello si Zhong para sa bitbit nitong World Boxing Council minimumweight belt sa World Trade Centre sa Dubai.

Magtatagpo sina Cuello at Zhong sa ganap na alas-10 ng gabi.

Apat na oras na advance ang Pilipinas sa Dubai.

Sinabi ng 26-anyos na si Cuello na tatlong taon siyang naghintay para sa pagkakataong mapalaban sa world boxing crown.

Lalaban sana si Cuello para sa bakanteng WBC belt, ngunit napilitang magbigay-daan kay Zhong na tinalo si Javier Martinez Resendiz ng Mexico.

Nagmula si Cuello (33-4-6, 21 knockouts) sa isang majority decision win laban kay Takashi Kunishige ng Japan noong Abril 7 para mapa-natili ang kanyang mandatory challenger status.

Ayon sa Cabatuan, Iloilo-native hindi mada-ling kalaban ang 30-anyos na si Zhong (20-4-1, 11 KOs).

Gusto ni Cuello na duplikahan ang pagiging bagong International Boxing Organization super flyweight champion ni Edrin Dapudong noong nakaraang linggo.

 

Show comments