Norrie sasagupain si Bambridge sa finals

MANILA, Philippines - Pinigil ni third seed Cameron Norrie ng New Zealand ang ratsada ni No. 1 Borna Coric ng Croatia nang umiskor ng 6-3, 6-4 panalo para makakuha ng finals berth sa boy’s singles ng 24th Mitsubishi-Lancer In­ter­national Junior Championships kahapon sa Rizal Me­morial Tennis Center.

Ginamit ng World No. 21 na si Norrie ang kanyang mabibigat na tira para talunin ang World No. 4 na si Coric sa kanilang laban sa semifinals.

Sasagupain ni Norrie, umabot sa Last 32 sa Grade 1 netfest noong nakaraang taon, si No. 4 Luke Bambridge ng Britain sa finals.

Hindi naman tumulo ang pawis ni Bambridge mu­la sa kanyang walk over win kontra kay No. 2 Omar Ja­sika ng Australia na pinauwi ng tournament officials dahil sa “bad attitude” nito.

Sa girls’ division, maglalaban naman sa finals sina  top seed Ipek Soylu ng Turkey at giant-killer Katie Boulter ng Britain.

Tinalo ni Soylu si No. 11 Tomic Sara ng Australia, 6-2, 6-3, habang giniba ng No. 13 na si Boulter si third seed Nina Stojanovic, 6-3, 7-6 (4).

 

Show comments