4-sunod sa Beermen

MANILA, Philippines - Umakyat sa apat na sunod na panalo ang San Miguel Beermen sa 4th ASEAN Basketball League (ABL) nang lasingin uli ang Singapore Slingers, 73-53 sa larong ginawa kagabi sa Tahn Bihn Stadium, Ho Chi Minh City sa Vietnam.

Si Chris Banchero ay mayroong 19 puntos at sina Brian Williams at Asi Taulava ay kuminang din sa opensa  at rebounding habang ang bagong import na si Justin Williams ay may 9 blocks para katampukan ang panalo na nag-akyat sa karta ng koponan sa 7-3 panalo-talo.

Sa huling yugto ay tuluyang nagdomina ang tropa ni coach Leo Austria nang ma-outscore ang Slingers, 24-8, upang tambakan ang kalaban na huling dumikit sa 49-45 sa pagtatapos ng ikatlong yugto.

May 15 puntos si Williams, si Taulava ay mayroong 11, anim sa huling yugto bukod pa sa kanilang hinablot na tig-10 rebounds para ibigay sa Beermen ang 42-28 bentahe sa rebounding.

Binalikat ng mga Slingers imports ang kanilang laban at si Rashaad Singleton ay mayroong 16 puntos habang 14 puntos at 14 rebounds ang ibinigay ni Rashad Jennings.

Ngunit wala nang locals na tumipak ng doble-pi-gura na ininda ng koponan para bumaba sa 4-6 baraha.

Hindi naman natinag ang nagdedepensang Indonesia Warriors sa tuktok ng standings nang kunin ang ikawalong panalo matapos ang 11 laro sa bisa ng 74-67 panalo sa Chang Thailand Slammers sa isa pang laban.

 

Show comments