Dating preso sinubukang tapusin ang buhay gamit ang toothbrush!

Dahil sa kagustuhan ng isang lalaki na tapusin na ang kanyang buhay dahil sa pagkalugmok na nararamdaman, lumunok ito diumano ng isang buong toothbrush na napunta sa kanyang small intestine. 20 taon na ang lumipas at saka lamang ito natanggal.

Halos hindi mo na masasabing toothbrush nga ang nilunok nito dahil nangingitim na ito at nabubulok na.

Ang nasabing lalaki na mula sa Shenzhen, China ay dating preso. Nagpunta ito sa doktor para magpatingin matapos daw nitong makaramdam ng matinding pananakit ng dibdib. Agad siyang dinala sa emergency room at isinailalim sa CT Scan. Doon na nadiskubre ang nilunok niyang bagay.

Tinanong ng doktor kung papaano napunta ang toothbrush doon, agad namang ipinaliwanag ng lalaki ang ginawa. Nalaman daw kasi niyang HIV positive siya na nakuha niya sa paggamit ng droga, hindi niya ito matanggap kaya minabuti na lang niyang magpakamatay.

Masuwerte ang nasabing lalaki dahil hindi naman nakaapekto sa kanya ang toothbrush.

Itinigil niya na ang pagdodroga at nagsi­mula na ring magpagamot, nakalaya siya sa kulungan bilang HIV negative.

Kasal na ngayon ang lalaki at may dalawang anak.

Ayon naman sa doktor, kung tumagal pa raw ang nasabing bagay sa kanyang bituka, maaaring itong mapunta sa kanyang atay na posibleng ikamatay niya.

Show comments