Zombie Family (25)

PATULOY ang malakas na pagtawag ni Herman kay Marga at sa kanyang mga anak.

Patuloy pa ring pakiwal-kiwal ang dila ng mga ito. At humahakbang na palapit sa kanya.

“Tumigil kayo! Ano ba? Hindi ninyo ako kilala? Bakit kayo nagkakaganyan? Mahal ko kayo! Mahal ko kayooo!”

Malapit na malapit na ang mag-iina kay Herman. Nang natigilan si Marga. Ang mga anak nila ay ma­ngangagat na sana sa mga hita ni Herman.

Nang galit na umungol si Marga, pinandilatan ang mga anak.

Natigilan ang mga batang zombies.

Itinuro ni Marga ang daan pabalik sa kanilang mga libingan. Mabilis na lumakad ang mga anak na zombies ni Herman.

Nagkapag-asa si Herman. “Marga ... nakilala mo ako? Hindi mo ako pinasaktan sa mga anak natin?”

Dilat na dilat ang mga mata ni Marga kay Herman, biglang inilapit ang mukha sa mukha ni Herman.

At dinilaan ang mukha ni Herman. Sinimulan sa pisngi, ikinalat sa ibang bahagi ng mukha.

Kayhaba ng dila ni Marga na pakiwal-kiwal ang pagdila.

Pinigilan ni Herman ang takot, tiniis ang pagdila ng zombieng si Marga. Napakaamoy ng dila nito, amoy ng isang matagal nang patay.

Pero tiniis niya. Ang mahalaga ay hindi siya sinasaktan. May magandang pagkakataon para malaman niya talaga kung may nalalabi pa sa isip ni Marga bilang tao.

Baka mailigtas pa niya ang kanyang pangalawang pamilya.

Siguro nakatulong na hindi natatakot si Herman kay Marga. Matapos halikan ng dila ni Marga ang buong mukha ni Herman ay nabawasan ang pagdilat ng mata nito.

“Marga, hindi ka na galit sa akin? Nakikilala mo pa rin ako, hindi ba?”

Mabilis na tumango si Marga, maraming beses.

Tuwang-tuwa si Herman. “Kung ganoon, tulad mo ay makikilala pa rin ako ng mga anak natin. At posibleng kayong tatlo ay may pag-asa pang maging taong muli.”

Biglang kinapitan ni Marga ang kanang braso ni Herman. Hinila niya si Herman. Nahila nang husto si Herman dahil ang bilis lumakad ng zombieng Marga.

“Saan mo ako dadal-hin?”

Itutuloy

Show comments