Multong Bahay (67)

DINALA ni Agyana ang mga magulang sa isang kumbento ng mga madre.

“Iha, may problema ba?”

Mapayapa ang sagot ni Agyana. “Opo. Pero kaya naman po. Kahit ako na lang ang haharap sa problema. Ang gusto ko lang ho ay safe ang mga magulang ko. Alam ko, ligtas sila sa lugar na ito.”

“Aarugain namin sila. Gagawin namin silang ligtas. Pero ikaw, ligtas ka ba, anak?”

“Oo po. Nasa protection po ako ng Diyos.”

“Ano ba ang kalaban?”

Hindi nagsisinunga­ling ang kaluluwa sa purgatoryo. “Buhay na multo po. Isang taong walang pagmamahal sa puso kaya gustong bigyan ng leksiyon ng kanyang mga ninuno.”

“Mapanganib?”

“Noon, hindi pa ho gaano. Pero ngayon, nararamdaman ko.”

“Iha, nag-iisa ka lang. Baka gusto mong may kasama? May tutulong sa iyo?”

“Kakayanin ko naman po.”

Tinitigan siyang mabuti ng madre. “Iha, marami kaming alam dito na mga katotohanang hindi pa tanggap ng isip ng tao. Kaya huwag kang mag-alala. Makakatulong kami na hindi ka na kailangang magpaliwanag.”

May naramdaman si Agyana na maluwalhating kahiwagaan ng madre.

Kaya hindi siya tumanggi. “I appreciate ho ng inyong gagawing pagtulong, Mother.”

“May ipapakilala ako sa iyo.” At may tinawag itong staff sa kumbento, binulungan.”

Umalis ang staff.

“Sigurado akong masisiyahan ka sa ipapakilala ko sa iyo.”

“Siyanga po?”

Nang bumalik ang staff, may kasama na itong napaka-cute na mga pitong taong gulang na bata.

Napansin nga lang niya na hindi ito nakakakita.

“Siya si Kerubina.”

“W-wala po siyang paningin?”

“Wala. Pero kuha niya ang lahat sa pandama at pakiramdam lang.”

“Makakatulong po siya sa akin?”

“Lumaban na ‘yan sa tatlong demonyo at lahat ay napabalik niya sa impiyerno.” Itutuloy

 

Show comments