Multong Bahay (07)

NARIRINIG pa rin ng nagtatagong si Agyana ang usapan sa labas ng cubicle.

Tungkol pa rin sa kanyang sobrang mamahaling mga designer na gamit. Sapatos at bag.

“Well, since ako unang nakakita rito, akin na lang. Finders, keepers. Hihihihi! Ang gaganda! Saka iba talaga kapag signature label!”

“Anong ikaw ang unang nakakita? Hoy Guardie, ako ang unang nakakita sa mga ‘yan! Kaya akin ang mga ‘yan!”

Hindi rin pumayag ang pangatlong babae. “Siguro naman ang dami n’yo nang mga bag at sapatos! Ibigay n’yo na lang sa akin!”

“Bibigyan na lang kita, Luna! Marami akong bag at sapatos sa bahay. Akin na lang ang mga ito dahil bagay sa akin!”

“Hindi puwede! At ayoko ng mga gamit mong sa Pasig palengke mo lang binili!”

“Akin ang mga ‘to!”

“O sige, bag na lang ang akin!”

“Okay ako sa sapatos!”

“Gusto ko rin ang sapatos!”

At nag-unahan na sa pagdampot ang tatlo.

Galit na galit naman ang buhay na multo. Hindi matanggap na ang kanyang mga gamit na hinuhulugan pa nga niya sa credit card hanggang ngayon ay pinag-iintresan at mawawala na sa kanyang nang tuluyan.

Nakalimutan na kung ano ang itsura niya ngayon.

Bigla nang lumabas at hinarap ang tatlong nag-aagawan sa mga signature niyang gamit.

“Hoooooyyyyy! Akin ang mga ‘yaaaaaannnn! Huwag ninyong pakikialamannnn!”

Ang boses niyang bahaw ang lumabas, nakakapangilabot.

Pagtingin sa kanya ng tatlong babae ay sabay-sabay ang mga itong nawalan ng malay.

Bumagsak nang ma­lakas sa sahig.

Sa sobrang takot sa kanya.

“M-mga walanghiya kayoooo. Ganyan ba talaga ako ka nakakatakoooot? Nakakainsulto kayoooo!”

Nakuha niya ang mga gamit. Patagong lumabas sa comfort room si Agnaya at nilakad ang madilim na bahagi ng bar hanggang sa makalabas.

Nang makalabas na siya, tiningnan niya ang kanyang mga kamay.

Wala naman doon ang mga gamit niya. Na-realize niyang hindi na pala niya kayang huma­wak ng materyal na bagay tulad ng isang tunay na multo.  - ITUTULOY

Show comments