Pangalawang Anino (439)

KINUKUMBINSI ng halimaw na si Alona ang pangalawang anino na halimaw na rin.

“Kaya mo, Yawanaya. Isipin mo lang na ... na mahal mo si Yawan noon pa man. “

“Ano’ng kinalaman na mahal ko si Yawan? Saka hindi mahal kundi gusto ko lang si Yawan kasi anino niya ako. At magkasundo kami.”

“Iyang pagkagusto mo puwede mong isipin na mahal mo si Yawan. At gamitin mo ang pagmamahal na ‘yan para may maramdaman ka sa puso mo.”

“Puso? Eh, anino nga ako ... may puso ba ang anino?”

“Si Angela, ang unang anino, bakit siya ay mabait at maawain? Dahil siguro may puso siya, hindi ba? “

“Ganoon talaga si Angela. Magkaiba kami. Hindi ko siya puwedeng gayahin .”

“Ang tigas naman kasi ng ulo mo. Gusto mo bang mabulok diyan sa loob? Maniwala ka lang, isipin mo lang na kailangan mo ang tulong ng mabait na Diyos ... may pag-asa ka nang makalaya diyan sa loob.”

“Bakit hindi mo na lang ako palayain, aking ina? Nasa labas ka na, hindi ba? Malakas ka dahil halimaw ka pa rin. Kayang kaya mong gibain ang pinto ng kulungan ko.” Natigilan si Alona.

“Sige, susubukan ko.”

“Lalayo ako para magiba mo ang pinto.”

Lumayo nga si Yawanaya.

Hinataw ni Alona ng dalawang kamay ang yari sa kahoy pero tila bakal sa bigat na pinto.

Mga rehas man ito, mapapasilip ka lang, hindi puwedeng mailabas ang mga kamay.

“AAAAAHHHHHH! Ang sakiiit!” Napasigaw si Alona.

“Ang lakas mo naman, a. Hindi mo kaya?”

“Ibang klase ang mga kahoy na ito, Yawanaya. Hindi ordinaryo. Nasa bundok na banal sila kaya parang gawa ng kung anong klaseng kapangyarihan.”

“Kumuha ka ng ibang puwedeng ihataw dito, aking ina. Baka kapag galing din sa bundok na banal ang ipanghahataw mo ay bibigay.”

Naghanap nga si Alona.

Gusto niyang makalaya rin si Yawanaya.

Para malayang ma­kapaglakad-lakad sa bundok na banal. - ITUTULOY

 

Show comments