Pangalawang Anino (435)

SI YAWANAYA ay gising din at sumagot sa halimaw na ina. “Paano ka naman nakakasiguro na kapag sumuko tayo sa mabait na Diyos na may-ari ng bundok na banal na ito ay mapapatawad tayo?”

“Mabait siya, hindi ba?”

“Siguro sa mga normal na tao. Eh, sa atin?”

“Noong hindi pa ako halimaw, paminsan-minsan nagsisimba ako. May mga pagkakataon na nagkasakit ako. Ang nanay ko noon ay nabangga ng traysikel. Ang tatay ko ay nawalan ng kalabaw. At alam mo ba ang ginawa ko? Nagdasal. Iyung totoong dasal talaga na may iyak pa.”

“At ano ang nangyari?”

“Sinagot ang mga dasal ko. Gumaling ako sa sakit. Gumaling ang binti ng nanay ko na tinamaan ng gulong ng traysikel. At naisauli ang nawalang kalabaw ng tatay ko.”

“Kaya naisip mo ang mga ito at naniwala kang patatawarin tayo ng Diyos na mabait? Bagay na hindi nagawa sa atin ng ating masamang panginoon?”

“Oo, Yawanaya. Ang tagal-tagal na natin dito, lalo na ako ... pero nandidito pa rin tayo. Hanggang kailan tayo dito kapag hindi naawa sa atin ang Diyos nilang mabait?”

Napaisip si Yawanaya.

Inip na inip na rin siya sa pagkakakulong.

At mukha namang walang signs na may pag-asa silang makaalis sa banal na bundok kung ang hihintayin nila ay ang kanilang hari ng kadiliman.

“Paano ba ang paghingi ng tawad sa Diyos na mabait, Inay?”

“De magdasal tayo ng ... taimtim. Hihingi ng tawad ng taimtim din.”

“Iyung may damdamin?”

“Oo. Iyung mararamdaman natin talaga.”

“Pero may damdamin pa ba tayo? Puro utak lang pinapagana natin. Hindi ko mararamdaman na may puso ako, e.”

“Yawanaya, pilitin mo! Kung utak ang gumagana eh de iyon ang paganahin mo! Ang pahingiin mo ng tawad. Ang palungkutin mo!”

“O, sige! Susubukan ko! Magdadasal na ba tayo?”

“Lumuhod muna tayo. At tumingala sa langit, Yawanaya. Iyan ang unang step ng pagdadasal.”

Kahit magkahiwalay sila ng kulungan, sabay ngang lumuhod ang mag-inang mga halimaw. Na ilan na ang napatay. Mga sugo ng hari ng kadiliman.   - Itutuloy

 

Show comments