Pangalawang Anino (393)
‘Siguro ang pari ang nakaepekto sa inyo, Panginoon. Pari siya kaya siyempre may konting kabanalan.”
“Hindi Tagapag-alaga. Hindi ko nararamdamang ang pari.”
“Kung gano’n sino? Iyung lalaking nobyo ng unang anino?”
“Hindi rin siya.”
“Panginoon ... a-ang unang anino ba?”
“Siya. Siya nga.”
“Pero bakit siya? Unang anino lang siya ni Yawan. Hindi naman yata siya nadala ni Nanette sa banal na bundok.”?
“Hindi ba muli nang tumiwalag siya kina Yawan at Yawanaya, diretsong sa simbahan siya naglilingkod.”
“Tama naman!”
“Buong puso siyang naglilingkod. Walang kapaguran. Walang reklamo. Masaya sa kanyang ginagawa. Kaya ... kahit hindi siya nakapunta sa bundok ng kabanalan, binigyan siya ng Diyos ng sarili niyang kabanalan,”
“Paano ngayon ‘yan, siya pa naman ang gusto ninyong gawing mabuting alagad. Hindi ba, ngayong sina Yawanaya at Yawan ay hindi na ninyo napapakinabangan, ang unang anino ang napupusuan ninyong maging alagad?”
“Si Yawanaya ay useless sa ngayon. Nasa bundok na banal. Wala akong magawa. Grabe ang bundok na ‘yon, hindi ko ma-pemetrate.”
“Ibig sabihin wala ka na talagang matinding alagad ngayon?”
“Kaya nga nangangailangan ako at si Angela iyon. Pero hindi ko akalaing siya ay may konti nang kabanalan.”
“Mahihirapan kayo?”
Bumangis ang mukha ng panginoon ng kadiliman. “Hindi. Hindi ako dapat ganyang mag-isip.”
“Ano ang dapat?”
“Na mas hamon sa akin kapag ganyan si Angela. May konting kabanalan. Dahil ang batas sa impiyerno ay ganito. Kapag ang naakit ko sa aking panig ay may antas ng kabanalan, mas magiging epektibo ko siyang sakop kapag nasa aking kapangyarihan na.”
Tumango-tango si Tagapag-alaga. “Kung ganoon kailangang mapunta na sa ating panig si Angela.”
“Nararamdaman na niya ang interes ko sa kanya. Kagabi, napanaginipan na niya ako. Nasa diwa na niya ako. Hindi na siya matatahimik.”
Itutuloy
- Latest