Pangalawang Anino (369)

TAKBUHAN ang dalawang kabataan.

 Ang kasamang si Leandro ay wala nang buhay ... wala nang ulo.

Takang-taka ang dalawang kabataan dahil wala naman silang nakitang pumutol sa ulo ng kanilang kaibigan.

Puro dilim lamang ang nasa harapan nila.

At ngayon na tumatakbo sila na parang hinahabol kahit walang nakikita, para silang mga baliw na natatakot sa wala.

Dilim ba ang kalaban? Dilim ba ang pumigtal sa ulo ni Leandro?

May humila sa dalawang kamay ni Tikboy.

“AAAAAAHHHHHH!”

Sa bilis, hindi naramdaman ni Tikboy ang sakit. Nang ang dalawang kamay ay humiwalay din sa kanyang katawan.

Umagos ang dugo sa magkabilang balikat na ta­nging natitira.

“Tikboy! Ano’ng nangyayari sa mga braso at kamay mo? Paanong nawala?”

Pero na-trauma na si Tikboy, bumagsak na lang habang tila gripo ang dalawang balikat na wala ng mga braso at kamay.

Takbo ang natitira.

Walang pakialam sa patutunguhan. Takbo lang straight ahead.

Nang para siyang bumangga sa tatlong pader sa kapal.

Napipi ang kanyang mukha pati dibdib. Para siyang bahagyang napisat.

Kaybilis ding napugto ang kanyang hininga. Na wala pa ring alam kung sino ang may kagagawan.

Tawa nang tawa si Yawanaya. Very proud. Ngayong nakatikim na ng tagumpay na sa kanya lamang puwedeng iparangal, grabe na ang katayugan niya.

Gusto niyang ulitin nang ulitin ang pagpatay.

Dahil alam niyang lalo siyang babango sa demonyong panginoon.

“Ako na nga ang reyna, Yawan! Hindi na ikaw! Na tama lang dahil wala ka namang maipagmalaking accomplishment sa ating panginoon! Nang magkapingas-pingas ka ... nagtatago ka na. Dapat lalo kang tumapang, bumagsik, mas malupit ... dapat kinatatakutan ang pingas-pingas mong anyo dahil pipingasin mo rin ang mga taong hindi marunong manginig sa iyo!

“Pero ano ang ginagawa mo? Nagtatago ka na sa poder ni Nanette, bumabait ka na yata!”

Ang panginoon ng dilim at ang tagapag-alaga ay tuwang-tuwa sa nalalamang tagumpay ni Yawanaya.

 -  ITUTULOY

 

Show comments