Pangalawang Anino (330)

HINDI masyadong malalim ang binagsakan sa ilalim ng tubig ng erop­lano. Kaya ang rescue operation ay may resulta kaagad.

Nakita ang eroplano.

Nabuksan.

Agad nagsalita ang kinatawan ng airline sa mga kamag-anak ng mga biktima at sa media.

“Nabuksan na ang eroplano and sadly, walang nabuhay. Pero ang mga bangkay ay iaahon namin kaagad. Para lang magkaroon ng closure ang mga kamag-anak.”

Nanlumo ang lahat. Pati si Nanette ay nagkaroon ng awa kina Yawan at Yawanaya.

“Kasama sila sa mga nasawi.” Sinabi niya kina Angela at Ariel.

“Wala na ba si Aling Alona? O buhay pa, Nanette?”

“Buhay pa. Pero nakakulong sa ituktok ng bundok na banal. Hindi maaring  palayain dahil manganganib naman ang mga tao.”

“Sino’ng mga kamag-anak ang magri-represent para kina Yawan at Yawanaya?”

“Ako at si Itay. Kapatid ko pa rin si Yawan. At anak pa rin siya ng aking ama.”

“Ang buti ng puso mo, Nanette. Kahit ilang beses na kayong ginawan ng mga mabibigat na kasalanan nina Aling Alona at Yawan, hindi n’yo pa rin sila matiis. Nagmamalasakit pa rin kayo.”

“Ang sabi ng Diyos, sa kasalanan lang tayo dapat magalit. Hindi sa nagkasala.”

“Gusto mo bang samahan namin kayo ni Ariel sa pag-claim ng mga bangkay?”

“Huwag na. Kailangan kayo ni Father sa simbahan. Nagbalik na karamihan  ang mga madasalin sa simbahan. Bumitiw na sila kina Yawan at Yawanaya.”

“Tama naman si Nanette, ­Angela. Huwag na­ting pabayaan ang mga taong nagsipagbalikan na sa mabait nating Diyos. Tiyak na araw-araw na naman ang misa at baka nga sa hapon meron na rin. Kailangan na kailangan ni Father ng mga assistants at tayo ‘yon.” Nakangiting nagsalita si Ariel.

Agad namang pumayag si Angela. “Huwag kang mag-alala, Nanette.   Sa simbahan kami tututok ngayon. Masaya kaming tutulong kay Father. At magiging masaya rin sa pagiging bahagi ng misa.” - ITUTULOY

 

Show comments