Pangalawang Anino (277)

KAILANGAN nilang maging kawawa habang nasa selda.

“Ang baho dito, Yawan! Tumakas na tayo!”

“Kapag hindi natin natupad ang misyon na ang mga tao ay maniniwalang mababait na tayo at mapapasunod natin sila, hindi mananalo ang kasamaan. Hindi lalong magli-level up ang aking kapangyarihan.”

“Level-up ka diyan! Lagi na nga tayong talo, e. Mananalo sandali tapos talo na naman. Sa ngayon, ano pa nga ba ito, de talo tayo!”

“Pansamantala lang. Kapag nakakapuntos tayo, kapag ‘yang mga taong ‘yan na maka-Diyos na ay nauto natin, mas matinding kapangyarihan ang mapupunta sa akin.”

“Ano ba kasing kapangyarihan ang gusto mo pa, Yawan?”

“Iyung mabura ko ang pag-ibig sa puso ni Arturo para kay Nanette. Iyung pati mga pulis ay sasamba sa atin. Iyung mga nasa kongreso ay kikilalanin tayo.”

“Ang taas naman ng pangarap mo!”

“Na makakaya naman. Basta makakapuntos tayo laban sa kapangyarihan ng langit, may pagbabagong napakaganda para sa atin.”

“Pero tiis muna?”

“Tiis muna Yawanaya. Saka challenge ‘yung mauuto natin ang mga tao.”

HINDI makapaniwala sina Angela at Ariel na nakakulong na rin sina Yawan at Yawanaya.

“Nagpakulong sila? Pumayag sila?”

“Oo daw, Angela. Mabait na raw ‘yung dalawa. Kabaligtaran naman kay Aling Alona na para nang isang halimaw. Nakakayanig ang pagpatay niya sa isang malaking preso.”

“Ano ba ‘to, Ariel? Lalo yatang gumugulo.”

“Hindi naman. Gumugulo pero malinaw kung kanino pumapanig ang mga tao. Habang magulo, habang natatakot sila, nandidito sila palagi sa simbahan. Nananalo ang kabutihan, Angela!”

“Tama ka rin naman. Positibo nga ‘yan. Tingnan kaya natin sa kulungan sina Yawan at Yawanaya? Gusto ko lang matiyak ang balita.”

“Sige. Kilala ka na naman ng mga tao, naniniwala naman silang ikaw ang mabait na anino. Kaya papayag naman siguro si Father kung sisilip tayo doon sa presinto.”

“Basta mangako ta­yong mag-iingat para papayag si Father.”

Pinag-isipan pang mabuti ng pari bago ito pumayag.

“Sige basta mag-ingat lang. At ipagdasal n’yo sila kapag nandoon na kayo. Kung totoo man ang kanilang pagpapakabait o hindi, kailangan nila ng dasal.”  Itutuloy

Show comments