Pangalawang Anino (215)

 MAGKAHARAP sina Nanette at Yawanaya—ang pangalawang anino.

Ramdam ni Yawanaya ang kakaibang aura ni Nanette. Hindi na ito ordinaryong tao.

“Ano ang nangyari sa iyo? Bakit ganyan ka ngayon? Parang … parang nag-level up ka na?”

“Ang tanong ko muna ang sagutin mo, pangalawang anino. Nasaan si Arturo?”

Ngumisi si Yawanaya. ‘Asawa na siya ni Yawan. Nasa kanilang silid sila. Palagay mo, ano ang ginagawa nila?”

“Papasukin mo ako. Kailangang makuha ko si Arturo.”

“Ano’ng karapatan mong kunin si Arturo? Eh, asawa na nga siya ni Yawan!”

“Asawa? Anong klaseng kasal? Sino ang nagkasal? Hindi kinikilala sa mundo namin ang kasal na ginawa ng isang demonyo!”

 “Ahhh, ibig mong sabihin kayo lang ang kinikilala? Kasal ng Diyos ng mga mababait. Sino ba ang nagsabi sa inyo na kayo lang ang magaling? Ang legitimate? Ang Diyos n’yo rin? Hindi ‘yan totoo. Kanya-kanyang Diyos tayo! Ang kasal ng Diyos ninyo ay pareho lang din ng kasal ng Diyos namin. Depende lang sa mga naniniwala.”

“Papasukin mo ako, Yawanaya. May karapatan akong bawiin si Arturo dahil nobyo ko siya! Hindi ako papayag na mapupunta kay Satanas ang kanyang kaluluwa.”

“Ang bastos mo naman. Sisirain mo privacy nila eh, nagha-honeymoon nga sila.”

Tumahimik na lang si Nanette.

Pero pumikit at nagdasal. Ang mga dasal na pinakabanal.

HABANG nasa silid sina Yawan at Arturo at sukdulang kapusukan na na­ngingibabaw si Yawan kay Arturo, bigla na lang silang binalot ng napakaliwanag na kulay.

Parang nagising si Arturo. “A-ano ang nangyayari, Yawan? Bakit … bakit magkasama tayo sa silid na ito?”

Nabigla rin si Yawan dahil biglang parang nagi­sing si Arturo.

“Ano ‘to? Umepekto sa iyo ang sinabi o ginawa ni  Nanette?

“Hindi ko alam ang pinagsasabi mo. Ang alam ko lang, kailangan kong layasan ang demonyong lugar na ito!” At mabilis na itinulak ni Arturo si Yawan, nakapagsuot agad ng pantalon at polo at lu­mabas na.  - ITUTULOY

 

Show comments