House Of Death (113)

ANG intensiyon na lang sana ni Mario ay makakita ng katiwala ng simbahan na mapagtatanungan kung kailan ito magbubukas.

Pero nagulat siya nang pagdating nila sa kanang side ng simbahan, may bukas pala na maliit na pinto.

“Salamat sa Diyos. Magandang palatandaan ito, mga bata. Halika, pumasok tayo.”

Pumasok sila. May dalawang ilaw ang altar, sapat para makikita ang mga banal na imahe.

“Walang pari ... paano kaya ito? Sana mabasbasan ...”

Paglingon ni Mario sa likuran, wala doon ang tatlong kubang bata. Akala lang niya sumunod sa kanya ang mga ito.

“Nasaan sila? Diyos ko ... ano na ang ginawa nina Benilda sa kanila? Nagalit kaya sina Benilda dahil dinala ko sila dito at may ginawa nang masama sa tatlong bata?”

Saka naman may nakita siyang lalaki sa altar.

“Pare, pare ... kailangan ko ng tulong. Kailangan ko ng pari!”

“Para saan? Binyag, basbas, last communion ...”

“Hindi. Para itaboy ang mga multo na nakapasan sa tatlong bata!”

Natigilan ang lalaki. “Ha?”

“Alam kong mahirap paniwalaan pero totoo ito. Normal na sa akin at ng pamilya ko ang makakita ng multo doon sa tinitirhan naming antigong mansiyon. Pati pamilya ng kalaban naming nakatira rin doon, normal din sa kanila ang makakakita at makaranas ng mga kaluluwa. Kaya totoo itong may mga dating mababait na multo na dahil sa galit, ngayon ay nagpapahirap na ng tatlong kabataan.”

“Ang antigong mansiyon na iyan ba ay pag-aari ng pamilya nina Benilda? Iyung nasa dulo bago ang daan papuntang bundok?”

Nabigla si Mario. “Malayo na ang simbahang ito doon sa mansiyon nina Benilda, a. Kabisado n’yo pala ang kuwento ng antigong mansiyon, kilala ninyo ang mga na­ngamatay nang may-ari?”

Tumango ang lalaki. “May mga gustong tumira doon na humingi ng tulong sa akin para labanan ang mga masasamang multo. Sinubukan ko. Pero hindi madali. Kailangan magtiyaga. Kaso naunang umayaw ang mga nagtangkang tumira bago ang tagumpay ng Diyos.”

“May mga pinatira na si Benilda doon na mga nabigo?” Ngayon lang ito nalaman ni Mario, nagulat siya.  Itutuloy

 

Show comments