Ghost train (39)

NAKABUROL na ang nanay ni Nenita nang kausapin itong muli ni Vincent. Naalala ng binata ang nangyari sa kaluluwa ni Dindi. “Nenita posible pala na hindi pa umaalis sa mundo ang ispiritu ng nanay mo.”

“Ano’ng ibig mong sabihin. Vincent?” Ang dalawa ay nasa tabi ng kabaong ng yumao.

“Si Dindi, sa memorial park na siya sumakay sa ghost train—bale sa ikaapat na araw mula ng siya ay mamatay.”

Natigilan si Nenita, natandaan ang kuwento ni Vincent tungkol sa dalagitang namatay. “Sabi mo nga, kumaway pa sa iyo ang kaluluwa ni Dindi bago ito nakangiting lumulan sa nagmumultong tren…”

“Ngayo’y ikalawang araw pa lamang mula ng mamatay ang nanay mo, Nenita. Kung tama ang kutob ko, sa ikaapat na araw pa siya tuluyang aalis.”

Napalunok ang dalaga. “You mean, nasa paligid lamang ang nanay ko?  Wala pa sa kanyang final destination?”

Tumango si Vincent. “Well, iyon ang nais kong isipin—base sa  kaluluwa ni  Dindi.”

Nagpalinga-linga sina Vincent at Nenita sa loob ng memorial chapel. Nagbabakasakaling makita ang kaluluwa ng nasa kabaong.
                Ang nakita nila’y ang mga nakikipaglamay; walang ispiritung nakikisalamuha sa mga buhay.

Nalungkot na naman si Nenita. “Matatahimik lang ako kapag natiyak ko na kung saan mapupunta si Inay.”

“Nenita, di ba dapat ipaubaya na kay God ang bagay na ‘yon?”

“Vincent, kailangang matiyak kong magkikita kami ng nanay ko sa langit, pagdating ng oras ko…”

Napantastikuhan si Vincent. Grabe pala ang pagpapahalaga ni Nenita sa ina;  inaasahan nang magkikita nito sa kabilang buhay—specifically sa Kaharian ng Diyos.

Natawag ang pansin niVincent sa headline ng binabasang diyaryo ng isang naglalamay. BARKO LUMUBOG, 20  NASAWI.

Naalala ni Vincent ang natanaw sa dagat. Itinuro niya sa dalaga ang front page ng diyaryo. “Nenita, nakita ko nang salpukin ng ghost train ang barkong nasa headline.”

Kinilabutan si Nenita. Kahit pala saan ay nakararating ang ghost train, na-realize ng dalaga. (TATAPUSIN)

 

Show comments