Aswang family (22)

NAHIMATAY si Uncle Saro sa tindi ng takot sa Kapre. Binugahan ng usok ng tabako ng kapreng si Mang Sotero ang matandang bulag.

Muling tumaas ang kilay ng kapreng bading, nagpatuloy na sa paglayo—kumekendeng ang balakang. SA SILONG ng bahay ni Uncle Saro,  ang mag-inang Shalina at Aling Mameng ay hindi rin nakaligtas sa sumpa ng diwatang masama.

Naging aswang ang mag-ina, nagwala sa pagkakakadena. Klaankk Klaank. Pilit nilang nilalagot ang kadenang bakal.

Galit na galit na sumisigaw; sigaw-aswang. “Eeeeyaaah! Aiiiyeeeh!” Dinig ng binatilyo at ng aso ang sigaw na iyon; hindi nila alam na iyon na ang mag-inang Shalina at Mameng na naging mga aswang na. Kaplaankk. Nalagot nila ang kadenang bakal; may kakaibang lakas ang mag-inang aswang. Mayamaya pa’y nagkanya-kanya nang labas sa silong ang dalawa; hindi na alam na sila ay mag-ina. Plap-plap-plapp. Kaytaas agad ng lipad ni Aling Mameng, napakatalim ng mga mata, malalaki ang pakpak na itim, mahahaba ang kukong handang isakal sa biktima.

Naiwan sa ibaba si Shalina.  Ewan kung bakit ang kalapit na sagingan  sa tabi ng palayan ang pinagtaguan.

Kayhaba-haba ng dila ni Shalina, pulampula ang kulay, malasinulid sa nipis.  Walang ideya ang bagong aswang sa paggagamitan ng dila.

Lalong hindi alam ni Shalinang aswang na siya ay kakaibang uri ng aswang. Unti-unting parang hinihiwa ang kanyang beywang-- pahalang.

“Aaaah…aahhh.”  Napangiwi-napadaing sa sakit ang kakaibang aswang na asawa ni Grecong Tikbalang.

Si Shalina ay tuluyan nang humiwalay ang kalahating katawan sa kanyang beywang.

Ang ulo hanggang sikmura ni Shalina ay pumaitaas, kasama ang malalaking pakpak na itim.

Hindi alam ni Shalina ang nagaganap sa kanya. Lumilipad na siya, nasa impluwensiya ng kabilugan ng buwan.

Naiwan sa sagingan ang pang-ibaba niyang katawan.   (ITUTULOY)

 

Show comments