‘Black Angel’ (22)

“SAAN mo kami dadalhin para patayin, ha, Black Angel?” galit na tanong ni Richard. Nakasimangot si Wendy.

Muling narinig ng katok na malalakas, mula sa main door ng townhouse. TOK-TOK-TOKK.

“Kasamahan ka ba ng mga tauhan ni Gothong, ha, Black Angel? Pareho n’yo kaming gustong patayin?”

Galit na hinila ng anghel na itim ang da­lawa, palapit sa butas na wall.

Bago pa nalaman ng magkasintahan, inilipad na sila ng Black Angel, palabas sa mala­king butas.

Napasinghap sina Richard at Wendy, kaytaas na ng lipad ng itim na nilalang—mataas pa sa mga ulap.

“Ito ba ang purpose mo, ha, Black Angel?  Ang pahirapan kami bago patayin?” sigaw ni Richard. Si Wendy ay lulang-lula, nilililis ng hangin ang laylayan ng skirt.

Tahimik lang ang Black Angel, nagbabaga na yata ang mata sa galit.

“Hindi ka makasagot, ha, Black Angel?  Wala kang kakayahang magsalita at walang ballpen at papel dito!” sarkastikong sigaw ni Richard.

Nasa ibabaw na sila ng siyudad, mabilis ang lipad. Ewan kung nakikita ng mga tao sa ibaba.

“Saklolooo! Tangay kami ng baliw na anghel!  Saklolooo!” walang patlang na sigaw ni Wendy, tuluyan nang nabulislisan ng malakas na hangin.

BLAAG. Nagiba na ng dalawang lalaki ang pinto ng townhouse, nakaumang ang baril na hinanap na sa loob sina Richard.

“Nakatakas, p’re! Tantiya ko’y nagdaan sa butas!”

“Paanong nabutas ‘to? Parang binomba!” Nagtataka ang dalawang lalaki. “Ito ‘yung sinasabi ng mga sekyu na may narinig silang pagsabog!”

Napabuntunghininga ang pinakalider. “Maga­galit sa’tin si Gothong—nalusutan tayo ng Richard na ‘yon…”

NASA ibabaw na ng dagat ang Black Angel, bitbit pa rin sa himpapawid sina Wendy at Richard.

“M-may pating dito! Utang na loob, huwag kang magkamaling dito kami ihulog!”

Ihinulog nga sila ng Black Angel --sa dagat.

“Aaaahhh! Eeeeee!” sigaw at tili ng dalawa. (ABANGAN)

Show comments