Pinagdududahan ni mister

Dear Vanezza,

Mag-iisang taon pa lang kaming kasal ng mister ko at wala pang anak. Bata siya sa akin ng 2 years. Pero naturingan akong may asawa ay limang buwan na niya akong hindi kinikibo. Natutulog kami sa iisang kuwarto pero magkahiwalay ang kama. Hindi naman dating ganyan ang kalagayan namin. Nagsimula ito sa selos na walang batayan. Sa hindi ko inaasahan, nakasalubong ko sa isang mall ang aking ex-boyfriend. May asawa na rin siya. Inimbitahan niya akong mag-meryenda at pumayag naman ako. Wala namang masama sa pagpapaunlak ko dahil itinuturing ko pa rin siyang kaibigan. Hindi ko alam na may nakakita sa amin. Ewan ko kung sino pero nakunan kami ng picture sa celfone habang nagbebeso-beso nang kami’y magpapaalam na sa isa’t isa. Nai-forward ang picture sa asawa ko at iba ang naging kahulugan sa kanya. Kahit anong paliwanag ko ay ayaw niyang paniwalaan. Ano ang dapat kong gawin? - Wyna

Dear Wyna,

Mas dapat mong pag-ibayuhin ang pagpapakita ng pagmamahal sa kanya para patunayang nagkamali siya ng hinala sa iyo. Kung hanggang kailan tatagal ang ganyan niyang attitude ay hindi natin batid pero naniniwala akong lilipas din iyan. Iwasan mo muna ang paglabas-labas na hindi mo siya kasama para patunayang wala kang ibang karelasyon. Manalangin ka na mapawi ang kanyang selos. Sa tingin ko’y bata pa kayong pareho kaya masyado pang dinidibdib ang panibugho.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments