Nakulong dahil sa babae

Dear Vanezza,

Ako po si Boy, 35 yrs. old at tubong Negros. Dati po akong bilanggo. Dati po ay mayroon akong kasintahan sa lugar namin. Mahal na mahal namin ang isa’t isa. Nang magbunga ang aming relasyon, nagsabi ako sa aking mga magulang na magpapakasal na kami dahil malapit na akong maging tatay. Tumutol sila dahil bata pa raw kami. Lumapit din kami sa mga magulang ng nobya ko at tumutol din sila kaya nagtanan kami. Pero natunton nila kami sa aming pinagtataguan. Idinemanda nila ako ng rape, pero hindi natuloy dahil ipinagtanggol ako ng gf ko. Ang masakit, inilayo nila sa akin ang mahal ko. Lumipas ang dalawang taon, ay nagkita kami ng gf ko at don ay sinabi niya sa akin na kalimutan ko na siya at huwag na raw akong umasang magkakatuluyan pa kami. Hindi nya rin pala itinuloy ang pagbubuntis.

Mula noon ay naging magulo na ang aking buhay. Hindi ko na alam ang tama at mali. Para makalimot, natuto akong uminom ng alak at nag-droga. Napasok ako sa gulo hanggang sa makapatay ako ng tao na dahilan ng aking pagkakakulong.

Sa kabila nito, nag-aral po ako sa loob at ngayo’y malaya na. May pag-asa pa ba ang isang tulad ko?

Dear Boy,

Sa bawat pagkakamali may naghihintay na kapatawaran at pagbabago. Hindi pa huli para bumangon mula sa pagkakasadlak sa kabiguan. Marahil ay sadyang hindi kayo para sa isa’t isa ng mahal mo. Matatagpuan mo rin ang babaeng karapat-dapat sa’yo. Gamitin mo ang natutunang kaalaman sa loob dahil yan ang puhunan mo sa muling pakikisalamuha sa lipunan. Kalimutan mo na rin ang mapait na nakaraan at sikaping mabuhay sa kasalukuyan. Manalangin ka sa Dios na i-guide ka sa tamang landas at magtagumpay sa panibagong buhay na tatahakin.

 

Sumasaiyo,

Vanezza

 

Show comments