‘Haunted Hospital’ (19)

“DOCTOR ROBLES…” Nabigla sa sabi ng nag-iisang duktor ng Hope si Nurse Olga. “K-kakausapin ninyo ang multo ni Dr. Medina?”           

“Oo, at sana ay magkita kami. Nais ko lang matiyak na ako’y nakikipag-usap sa tamang multo, iha.” Seryoso sa ideya si Dr. Robles.

“P-pero bakit po?  I mean, ano po ang purpose?”

Nagpalinga-linga muna ang matandang doktor, tiniyak na walang tao sa malapit.

Saka ibinulong kay Olga ang plano.

Napantastikuhan sa ideya nito si Nurse Olga. Pero saglit lang, sang-ayon na rin siya sa matandang surgeon.

Excited pa nga. “Talaga ho?”

“Kung papayag ang mabuting duktor, Nurse Olga.”

Ang tanong: Magpapakita pa ba si Dr. Medina?

“Noong nabubuhay pa si Pete Medina, siya’y resident doctor ng Hope. Ngayong siya’y yumao, siya ba’y magiging resident ghost?”

“Basta po good ghost, welcome. Huwag lang po resident evil.” 

“Iyan pa pala ang lumalalang problema dito—nagiging bold na ang masasamang multo. Ayon kay Nurse Armida, bukod sa inugoy ang dextrose ng pasyente sa ICU, hinawakan pa sa binti ‘yung dalagitang bantay.

“Kahit pa hindi nagpapakita, nakakikilabot naman ang pagpaparamdam ng bad spirits. Almost evil na.”

Hindi raw nakuha sa mga bendisyon ang pagpapaalis sa mga multo, ayon pa kay Doktor Robles.

NAGANAP ang inaasam ng matandang manggagamot. Paakyat ito sa second floor nang makasalubong ang multo ng mabuting doktor. “Oh my God…Doctor Medina…ikaw nga.”

“Good evening po, Dr. Robles,” nakangiting sabi ng multo.

Kinikilabutan ang matandang doktor. “P-Peter Medina, para akong aatakihin sa puso…biruin mong nakakita ako ng t-tunay na multo!”

“Huwag po kayong aatakihin ngayon, kundi’y mapipilitan akong operahan kayo…” 

Itinuro ni Dr. Robles ang office, doon sila mag-uusap ng multo.

Umuna ang multo, naglagos sa sarado pang pintuan. (ITUTULOY).

Show comments