Nasisira ang mukha sa ‘beauty products’?

Karamihan sa mga babae ay naglalagay ng make-up sa mukha. Kaunting lipstick sa umaga, concealer para hindi makita ang malaking eye bag at pulbos para matakpan ang mga dark spots sa iyong mukha. Kaya lang tiyak na madidismaya ka rin sa oras na ang make-up na ito ang sisira din sa iyong mukha sa pagkakaroon ng rashes, pimple o acne sa iyong pisngi. Narito ang ilang paraan para hindi masira ng make-up ang iyong mukha:

Ihinto ang paggamit ng make-up – Sa oras na makita mong nagkakaroon ng reaksiyon ang balat mo sa mukha sa make-up mong ginagamit, agad na  ihinto ang paggamit nito ng kahit na isang linggo. Kung maaari ay ihinto ng paisa-isa pansamantala ang paggamit ng iba pang beauty products sa iyong mukha gaya ng moisturizer, sunscreen at iba pa. Ito ay upang matukoy mo kung talagang sa make-up ka lang nagkakaroon ng allergy.

Kung agad nagkaroon ng pamumula  at pangangati ng mukha, inirerekomenda ng mga eksperto na agad magtungo sa dermatologist  at iwasan ang paglalagay ng mga gamot na hindi naman rekomendado ng doctor. Tiyakin din na pawang mga mild products lang ang ilalagay sa mukha para mabilis na gumaling ang iyong balat sa mukha. Iwasan muna ang mga produktong nakakapagbalat ng mukha dahil malaki ang posibilidad na mairita ang iyong mukha sa mga produktong ito. Kung gumagamit ng whitening products sa iyong mukha dapat mo din itong itigil dahil may sangkap itong nagdudulot ng iritasyon sa iyong mukha. Dahil dito, kung gagamit muli ng make-up o anumang beauty products mas makabubuting alamin mo ang sangkap nito. Kung may mababasa kang sangkap nito na “petrolatum o mineral oil”, huwag na itong bilhin dahil isa ito sa mga kalaban ng mga sensitibong mukha. Sa halip piliin ang mga produktong naglalagay ng “ hypoallergenic, non-comedogenic”  dahil ang mga ito ay maituturing na “skin friendly”.

Malinis na gamit – Wala ng iba pang magandang pag-aalaga sa iyong mukha kundi ang paggamit ng malilinis na gamit gaya ng panyo, brush at foam sa iyong compacts o foundation. Tiyakin mong nalalabhan mo ang mga ito dahil maaa­ring pamahayan ang iyong foam ng bacteria dahil napupunta din dito ang iyong pawis sa mukha. Mas mabuti kung ito ihihiwalay mo sa iyong make-up ang mga ginagamit mong brush at foam.

 

Show comments