‘HAHANAPIN KITA (9)’

NAGKASUNDO ang magkaibigang Dave at Gabriel. Kukunan nang palihim ng una ang susunod na pagkikita nina Gabriel at Carmina. Nagkaisa sila na hindi mahuhulaan ang sabi ng hitana na may malaking pagbabagong magaganap sa ika-apat na buwan, sa pagitan nina Gabriel at Carmina. Tiyak na nilang tunay ang hitana, hindi manloloko. “Kung ikaw ang nasa shoes ko, Dave, ano ang gagawin mo?” “Tungkol sa malaking pagbabagong magaganap?” Tumango si Gabriel.

“Well, siguro’y itatanong ko kay Carmina. You know, bilang taga-kabilang buhay, posibleng alam niya ang mangyayari…”

Umiling si Gabriel. “Napakaikli ng pagpapakita niya sa akin, wala pa yatang 2 minutes. Mas marami kaming dapat pag-usapan. Magagandang bagay.  Ayokong alamin ang hinaharap…”

Napatangu-tango si Dave. “Well, tama ka rin diyan, bro. Malay mo, this time pala ay palpak ang sabi ng hitana.” “Masyado namang malupit kung parurusahan pa kami ng langit. Namatay na nga nang wala sa oras si Carmina, may problema pa pala…”

Nagkaisang muli sa pananaw ang magkaibigan. “Think positive. Magagandang bagay ang magaganap sa amin ni Carmina.”

“Right, Gabriel.” ANG IKALAWANG pagkikita nina Carmina at Gabriel ay naganap gaya ng sabi ng hitana. Saktong lugar at oras muli.

“Carmina, thank God…” Lugod na lugod ang puso ni Gabriel. Mula sa kabilang buhay, nakipagkita na naman sa kanya ang pinakamamahal na nobya.  “You are so beautiful, gaya nang dati.” “Huwag mong pababayaan ang iyong sarili, Gabriel. Be happy.” “Happy lang ako kapag narito ka, Carmina.”

May sumilay na lungkot sa mga mata ng yumaong dalaga.

“Carmina…?” Nais itanong ni Gabriel kumbakit; ano ba ang mali sa kanyang sagot?

“Pinakamamahal kita, Gabby. Hanggang sa muli…”

Unti-unting naglaho sa paningin ni Gabriel ang dalaga, parang usok na pumailanlang.

Naalala ni Gabriel ang kaibigan. “Dave! Nakunan mo ba si Carmina?” Film camera ang dala ni Dave, hindi digital. “Oo, iba-ibang anggulo! Ipade-deve­lop ko agad!” (ITUTULOY)

Show comments