Nanlamig ang buong katauhan ni Gabriel. Hindi siya dinadaya ng kanyang paningin. Katabi nga niya sa park bench si Carmina.
Halos pumiyok si Gabriel. “C-Carmina…”
“Gabriel…biyaya ito ng Langit…” Nakangiti si Carmina, pagkaganda-ganda. “Gantimpala sa nagawa mong kabutihan sa mundo…”
Is she real? Totoo nga bang nasa presencia niya ang pinakamamahal na nobya?
Umangat ang kamay ni Gabriel, hihipuin niya si Carmina.
Sasalingin niya, hahaplusin ang malasutlang pisngi ng dalaga. Nasa paghipo kay Carmina ang katunayan ng mga sandaling ito.
Hindi ito isang panaginip. Ayaw niyang managinip.
“Huwag…” Huli na ang babala ni Carmina. Nakarating na ang kamay ng binata sa nais nitong hipuin.
Naglagos sa hangin ang kamay. Nabigo si Gabriel. “C-Carmina…?”
“Tanggapin mo nang maluwag sa dibdib, Gabriel, ako ay patay na…” halos bulong ni Carmina. “Image na lang ako…pero naritong nagmamahal pa rin sa iyo…”
“Oh my God, ikinalulugod ko na ito nang husto, Carmina. Ang importante ay nagkikita pa rin tayo. Mahal na mahal kita, Carmi.”
Ngumiting muli si Carmina, pagkaganda-ganda.
“Oras na para ako magpaalam, Gabby. Hanggang sa susunod na buwan, sa dating oras at lugar…”
“Carmina…” Kung gaano kabilis lumitaw ay ganoon ding kabilis naglaho ang dalagang taga-kabilang buhay na.
Kaytagal na nanatili sa upuan si Gabriel. Ninamnam niya ang katatapos na maluwalhating mga sandali.
Napaiyak siya sa magkahalong galak at pangungulila. She misses her so much. “Carmina…”
IBINALITA agad ni Gabriel sa kaibigan ang nangyari. “Maniwala ka, Dave, nagkita kami ni Carmina-- sa boulevard sa tabing-dagat.”
Napanganga si Dave. “N-nagkatotoo ang sabi ng hitana?”
“Wala akong pakialam sa sinabi ng hitana. Talagang mangyayari ang pagkikita namin ni Carmina. Gantimpala raw ng Langit sa nagawa kong kabutihan…”
“Amazing! Puwede bang makita ang next meeting ninyo, next month?” tanong ni Dave, mangha. (ITUTULOY)