Dingdong at Marian, nag-social detox sa bakasyon

Nakabalik na ng Pilipinas ang Dantes squad nina Dingdong Dantes, Marian Rivera kasama ang mga anak na sina Zia at Sixto.

Maaalalang naging abala ang mag-asawa sa pag-promote ng kanilang pelikulang Rewind noong Metro Manila Film Festival last year kaya naman bumawi sila sa mga anak pagkatapos ng kanilang busy schedule.

Nitong Holy Week break lamang sila nagkaroon ng mahaba-habang oras para makapag-bonding kaya sinulit nila ito sa pamamagitan ng pagdala sa mga bagets sa Amerika upang makapamasyal sila nang sama-sama.

Pinuntahan daw nila ang lahat ng request nina Zia at Sixto roon dahil inalay raw talaga nila sa mga ito ang travel nila na iyon. Nakadepende ang lakad nila sa mga ito gaya na lamang ng pagpunta sa Disneyland, Legoland at SeaWorld.

Priceless daw ang mga ngiti ng mga bata tuwing nag-e-enjoy ang mga ito sa kanilang bakasyon at ang sarap daw noon sa pakiramdam bilang magulang ng mga ito.

Tila naging mini social detox na rin daw ang kanilang bakasyon at mapapansing hindi sila masyadong nag-post tungkol sa kanilang bakasyon. Bongga.

Show comments