Willie, tumalak sa mga natuwa sa pagpapatigil ng kanilang programa!   

Nagbigay na ng kanyang saloobin si Willie Revillame hinggil sa mga lumalabas na balita ngayon tungkol sa ALLTV at sa kanyang show na Wowowin.

Ayon nga kasi sa balita ay titigil na ang umeereng programa ng ALLTV na pag-aari ng Advance Media Broadcasting System tulad ng Wowowin, M.O.Ms at Toni.

Sa episode ng Wowowin last Saturday ay nagsalita si Willie tungkol dito at halatang masama ang loob niya sa mga nababasang reaksyon ng netizens hinggil sa pagsasara ng show.

“Tama na ‘yung mga usap-usapan ngayon, haka-haka at kung anu-ano. Ganu’n talaga ang buhay hangga’t hindi ka nagnanakaw, hindi ka involved sa mga ilegal, nagpapasaya ka araw-araw okay na ‘yun,” malungkot na simula ni Willie sa episode ng Wowowin kahapon, Sunday.

“Tutulog ka nang mahimbing may peace of mind ka, mabuti ang puso mo dapat ganu’n lang tayo. Napapansin ko ‘pag may mga balitang ganito, mawawalan ng trabaho ganu’n, ‘di ba? ‘O, iyan kasi, iyan kasi!’

“Dapat hindi tayo ganu’n, ‘di ba? Dapat walang mga ganyang comment. Masarap ‘yung mga maraming nagmamahal sa ’yo at minamahal ka,” sey niya.

Dahil sa sama ng loob, hindi na rin napigilan ng TV host na maglitanya ng mga nagagawang tulong ng Wowowin sa mga kababayan natin lalo na nga noong kasagsagan ng pandemic.

“Para alam ng mga kababayan natin ang ginagawa ng programang ito sana hindi mawala ito kasi tumutulong ito sa gobyerno, eh.

“Hindi lang sa gobyerno, tumutulong ito sa mga kababayang nangangailangan. ‘Yung mga ibinibigay kong P10,000, P20,000 kung ito nakakawalo kami, it’s about P200,000 a day. Limang milyon po sa isang buwan kung kukuwentahin.

“Tapos madidinig n’yo na mawawala, hihinto, natutuwa kayo. Natutuwa ba kayo na may mga kababayan tayong natutulungan, mawawalan?

“Dapat nga ipinagdadasal ninyo kami na tuluy-tuloy ang programa,” aniya.

Dire-diretso pa niyang sabi, “Ang dami ninyong sinasabi na, ‘ang yabang-yabang n’yo kasi.’ Ano ang ipinagyabang namin? Hindi namin ipinagyayabang ang programang ito.

“It’s not about me, it’s about the program Wowowin. Kaya ko ito lahat ikinukuwento ay dahil may mga lumalabas ngayon na mga programa sa ALLTV, mawawala.

“Eh, parang natutuwa pa kayo na mawawala mga programa na nagbibigay ng saya at tulong. Sana hindi ganu’n ‘di ba?,” malungkot na sabi ni Willie.

Paliwanag niya, “siyempre you have to understand nagsisimula palang ang ALLTV, nagsisimula palang ho kami. Sanggol pa lang ito, eh. Talagang wala pang commercial na papasok dito. Kasi wala pa kaming reach, wala pa kaming signal. Kaya nga ho sinisimulan palang. Sana ipagdasal n’yo kami na maging successful ito para maraming istasyon na maraming magawa, marami kayong madinig na kabutihan, ‘di ba?”

Dagdag pa niya, “set aside ang pulitika. Marami pa kayong dapat malaman tungkol sa frequency kung alam n’yo lang ang totoo, ayaw ko na lang magsalita na pangungunahan ko sila.”

Hahayaan na lang daw niya ang AllTV na mag-announce at magsabi ng mga detalye. Sa huli, pakiusap niya sa mga tao, “huwag n’yo naman kaming… ’di ba? Nadadapa na nga eh, sinisipa n’yo pa. Nasasaktan na nga, eh. Huwag naman.”

Show comments