Indie films, wala nang pag-asa sa mga sinehan!  

Felix sit annus novus! A happy New Year to all. Isang maligayang bagong taon nawa ang sumapit sa inyo ngayong araw na ito, ang simula ng 2023. Kasama sa aming dalangin na maging mas maganda ang taong ito para sa lahat.

Ang nakaraang taon ay naghatid ng lungkot sa entertainment industry. Nasaksihan noon ang pagpanaw ng reyna ng pelikula na si  Susan Roces. Pumanaw rin ang isa sa pinakamahusay na kontrabida sa pelikula na si Cherie Gil. Nawala rin ang isa sa pinakamahusay na musikero, si Danny Javier. Yumao rin ang kinikilalang reyna ng Visayan films na si Gloria Sevilla, at ganoon din ang reyna ng kundiman na si Sylvia La Torre. Nawala rin ng nakaraang taon si Romano Vasquez.

Ganoon din ang director na si Romy Suzara. Matatapos na ang taon, humabol pa ang singer na si Jovit Baldivino. Bukod sa kanila marami pang ibang pumanaw. Ipinagluksa silang lahat ng showbusiness.

Ang maganda naman sa nakaraang taon, mukhang nagsimulang bumangon ang industriya, dahil nagawang ibalik ng ilang pelikula sa MMFF ang mga tao sa sinehan. Kumita ang pelikula ni Vice Ganda sa pagsisimula ng festival, at humahabol ang pelikula ni Nadine Lustre matapos na manalo iyon ng maraming awards sa festival. May mga pelikulang hindi nanalo ng major awards, pero dahil sa magagandang review ng mga kritiko ay pinanood din ng mga tao.

Naging maliwanag ngayon na kung ang gaga­wing pelikula ay kagaya ng mga ginagawa noong araw, manonood pala ang mga tao kahit na mataas ang admission prices sa mga sinehan. Medyo tumagilid ang mga pelikulang “indie” ang dating. Mukhang ang mga pelikulang ganyang tipo ay kailangang ilabas na lang sa mga internet streaming, hindi sila pinapasok talaga sa sinehan. Kahit naman noong wala pang pandemic, hindi click ang mga indie sa mga sinehan. Kaya ang mga low-budget films, mga sex film, LGBT films, kailangan na nga sigurong ihiwalay sila at ilagay na lang sa internet streaming.

Ate Vi si Boyet ang magkakatambal sa pagbabalik sa mga sinehan

Siguro nga magsisilbing malaking boost sa industriya ng pelikulang Pilipino kung magbabalik ang mga totoong box office stars.

Sinasabing sigurado na ang pagbabalik sa pelikula ni Vilma Santos. Si Ate Vi na mismo ang gumawa ng announcement na iyan. At noong huli nga namin siyang makausap, siya ang nagsabi mismo na ang isa sa projects na iyon ay pagtatambalan nila ni Boyet de Leon.

Kung natatandaan ninyo, lahat ng pelikulang pinagtambalan nila ni Boyet ay sumira ng mga box-office records noong araw. At matagal silang hindi nagkatambal dahil hindi nga halos makagawa ng pelikula si Ate Vi dahil naging mayor siya ng Lipa, tapos naging gobernador ng Batangas, at congresswoman pa ulit ng Lipa.

Kaya siguro talagang sabik ang mga tao na mapanood silang muli.

Ate aktres, nagbebenta ng sinaing na tulingan

May isang female star na nagtatawag sa kanyang mga kakilala at inaalok sila ng sinaing na tulingan na sinasabi niyang siya mismo ang nagluto. In fairness, marami na ang nakabili sa kanya na nagsabing masarap naman ang luto niya, may kamahalan nga lang nang kaunti.

Siguro kasi female star  ang sinasabing nagluto, kaya siyempre huwag naman ninyong ikumpara sa nabibili sa Quiapo.

Disente at hindi masama ang ganyang hanapbuhay, kaysa naman sa pumapasok sa mga malalaswang sideline.

Show comments