Nora nagpaliwanag kung bakit naka-wheelchair na!

MANILA, Philippines — Nakalipat na pala sa bagong bahay na medyo malaki na at hindi na sa isang condominium ang original Superstar Nora Aunor.

Natuwa raw ang aktres dahil naging domesticated na siya ngayon. Bumalik daw ang dating hilig nito sa pagga-garden, pag-aayos ng bahay at pagluluto.

May isang bahagi raw ng bahay na inayos nito para doon daw ilagay ang trophies niya at mga memorabilias. Parang mini-museum daw niya ito.

Nagkaroon lang ng isyu nang ipinost sa kanyang Facebook account na nasa wheelchair siya habang tinitingnan ang inaayos niyang garden.

Nag-aalala ang fans niya dahil ang buong akala nila ay may sakit ito, at naka-wheelchair na lang siya.

Ang dami raw nagpadala raw ng message at kinumusta ito.

Ang pangit lang dito, may ilang blogs nang sinakyan iyon at naglabas sila ng maling balitang may malubhang sakit daw ang aktres.

May nagkakalat pang blog na nasa kritikal na kalagayan na raw si Ate Guy.

Kaya ang daming loyal fans ang nataranta at kinumusta ang Superstar.

Nakausap naman daw niya ang ilang fans na wala silang dapat na ipag-aalala, dahil okay na okay siya.

Kaya raw pinasakay lang si Ate Guy ng alalay niya sa wheelchair ay dahil minsan ay sumasakit na raw ang paa at madalas siyang hingalin dahil sa kanyang asthma. Pero wala raw sakit ang aktres at hindi totoong nasa kritikal itong kalagayan.

Kaya nagpadala ng message si Ate Guy na idinaan sa kanyang publicist na si Rodel Fernando.

Aniya; “Sa mga nag-alala sa akin, lalo na ang mga sumusuporta sa akin ay gusto ko lang ipaalam na okay po ako. Wala po akong malubhang sakit, gaya po nang napapabalita.

“Gusto ko ring ipaabot ang aking pasasalamat sa pagmamahal at concern na ipinapakita ninyo sa akin.

“Lagi po ninyong tatandaan, mahal na mahal ko po kayo.”

Dina, stalker ni Alden

Ngayong gabi na magsisimula sa GMA Teleba­bad ang bagong drama series ni Alden Richards, ang The World Between Us na ibinase ang kuwento sa Wuthering Heights na ginawa ni Dody Cruz ang concept nito.

Hindi raw ito Pinoy adaptation ng sikat ding series sa Taiwan na may ganun ding title.

Ibang-iba raw ito sabi ni direk Dominic Zapata.

Na-discuss nga raw nila na kapareho ito ng title sa isang Taiwanese series, pero nagustuhan daw kasi talaga ni direk Dominic at ayaw niyang papalitan ang title.

Ang isa sa masuwerte sa bagong seryeng ito ay si Dina Bonnevie na alam ko na ibang aktres dapat ang napili sa role niya pero hindi lang pumuwede, hanggang sa napunta kay Ms. D.

Katatapos lang niya kasi sa Anak ni Waray Vs. Anak ni Biday, at nagkaroon lang siya ng break nang pumasok ang First Yaya. kaya tuluy-tuloy ang trabaho niya.

Iba pa rin daw kasi talaga ang nagti-taping o shoo­ting na gustung-gusto niya talagang gawin.“I’m very happy na kahit papano nabibigyan ako ng project ng GMA. Pero I’m really busy also as a businesswoman.

“It’s really very refreshing sa acting kasi I’ve been doing it since when I was 17, hahanap-hanapin mo talaga. And working with young people, you’ve learn a lot from them too.

“I’m glad, I’m working with direk Dom, cool na cool at magaling talaga siya as in. I’m very happy.

“Thank you so much to GMA for giving me this opportunity to play a wonderful role,” pakli ni Dina.

Ang isa pang ikinatuwa niya ay nakatrabaho na rin niya si Alden na nung unang nakita pa lang daw niya ay guwapung-gwapo na siya at napakagalang pa.

“Hindi ko pa kilala si Alden nun, and he just came by nagkita kami sa corridor, sabi niya ‘hello po si Alden po’.

“For awhile, I was stunned, ‘sino ‘yun ang guwapo, at saka ang cute ng dimple niya at ang galang. Binigay niya pa ako ng upuan.

“Sino ‘yun? Sabi nila, Ma’am si Alden Richards, ay gusto ko siyang makatrabaho.

“’Yun, pinanood ko na ‘yung project niya, na-research ko siya sa YouTube, stalker pala no! Ni-research ko na siya, ganyan ganyan.

“Then, another time naman, nagugutom ako pumasok ako sa isang restaurant, anong ginagawa ni Alden Richards diyan sa labas, may standee.

“Ah kanya po ang restaurant na ‘to. Ah okay, for that fan niya talaga ako, kasi magaling pang aktor, businessman pa. So, go na go,” napapangiting pahayag ni Dina.                   

Show comments