Sharon, ayaw pakabog kay Gabby

Sharon

Parang ayaw patalo ni Megastar Sharon Cuneta sa ex-hubby na si Gabby Concepcion pagdating sa mga proyektong showbiz.

Kung may teleserye si Gabby na may kaparehang bagets na si Sanya Lopez sa seryeng First Yaya, may movie naman si Sharon sa Viva Films, ang Revirginized, katambal ang isang bagets din na si Marco Gumabao.

Tapos na ang movie ni Sharon, ang tanong kailan ito ipapalabas sa mga sinehan gayung may mga takot na ang theater owners na magbukas dahil susugurin sila ng mga kumokontrang buksan pa ang mga sinehan dahil sa posibleng magkahawahan ng COVID ang mga manonood.

Rabiya mas tanggap pa ang pagkatalo kesa sa fans

Tigilan na ang paghihinagpis kung bakit hindi napiling Miss Universe ang kababayan nating si Rabiya Mateo. Maganda si Rabiya pero marami ring mas magagandang kandidata.

Isang konserbatibong maestra ang nakabidahan namin tungkol sa pagkatalo ni Rabiya kahit almost qualified siya sa naturang contest. Marami raw mga anak ang Diyos, hindi lamang sa Pilipinas pagdating sa pagandahan.

Apat na beses na tayong nagwagi, natural lang na may iba pang puwedeng mapili, ang Miss Mexico na si Andrea Meza.

Isa pang puntong puwedeng maidagdag, si Rabiya ay hindi nagdaan sa mga kamay ng pamosong manghuhubog ng Filipina beauties na nagpanalo na sa apat na Miss Universe, si Mrs. Stella Marquez Araneta na dati ring beauty queen na nag-handle noon kina Gloria Diaz, Margarita “Margie” Moran, Pia Wurtzbach at Catriona Gray.

Iba naman ang nag-handle kay Rabiya, so alam na kung bakit hindi nanalo si Rabiya. Naiba ang dating nagtuturo sa mga Filipinang inilalahok sa beauty contest.

Please, huwag na uling kukuning host ang ex-beauty queen na si Olivia Culpo. Mistulang nagle-lecture siya sa isang paaralan para sa susunod na examination. Walang kabuhay-buhay at kalatuy-latoy at si Mario Lopez ay pilit ang pagpapatawa.

Well, dapat tanggapin nang maluwag ang pagkatalo. Iba naman ang may karapatang tumanggap ng biyaya.

Saka anong petsa na kaya.

Si Rabiya nga natanggap na, bakit naman ang iba hindi pa.

Birthday ni Nora apektado ng pandemya

Birthday ni Nora Aunor, kahapon, May 21 pero walang balitang umuugong na madirinig sa Noranians.

Mistulang malaking kasalanan ang sinumang magsasabing may bongga o grandiosang pagdiriwang na gaganapin dahil nakabantay agad sa health protocols dahil bawal pa ang mass gathering ngayon.

Naku, hanggang kailan ba ang abnormal ways of life na nagaganap ngayon na bawal magtabi-tabi at magtipun-tipon.

Show comments