Rebate inapelang matanggal Cebu pinagbabayad ng P76 million

Ang malungkot na balitang dumating sa mga producer ng pelikulang Pilipino ay wala nang matatanggap na tax rebate ang mga pelikula nilang nakakuha ng rating na A o B mula sa Cinema Evaluation Board. Marami ang nalungkot, lalo na ang gumagawa ng mga indie film na inilalaban sa mga festival sa abroad, pero ibina­ba na ng Korte Suprema ang hatol na nagsasabing ang pangongolekta ng Film Development Council of the Philippines ng amusement tax ng mga rated na pelikula ay labag sa batas.

Sinabi sa desisyong sinulat ni Associate Justice Estela Perlas Bernabe, na ang sections 13 at 14 ng RA 9167 na siyang lumikha sa FDCP ay lumalabag sa prinsipyo ng local autonomy na itinatadhana ng 1087 constitution. Kung ganoon sabi niya, “ang pagkuha ng FDCP ng amusement tax mula sa mga pamahalaang local ay hindi tama.”

Ito ay isang kumpirmasyon lamang ng naunang desisyon ng Korte Suprema noon pang 2015, na iniapela ng FDCP. Pero sinabi ni Justice Bernabe na walang ibang katwirang iniharap ang FDCP kaya maliwanag na tama ang nauna nilang desisyon. Ganoon pa man inutusan ni Justice Bernabe ang pamahalaang local ng Cebu na magbayad sa FDCP ng halagang 76.8 milyong piso, na siyang halaga naman ng kabuuang dapat ibayad ng pamahalaang local sa FDCP bago inilabas ang desisyon ng Korte Suprema na nag-uutos na itigil na ng FDCP ang paniningil nila mula sa amusement tax na nakukuha ng local government.

Ang pagsusumite ng amusement ng tax ng mga rated na pelikula ay tinutulan ng pamahalaang local ng Cebu simula pa noong 2002, at ang batas na lumikha sa FDCP ay kanilang kinuwestiyon sa Korte simula noon. Ngayong lumabas na ang final decision ng Korte Suprema, sinabi naman ng FDCP na hindi na sila magbibigay ng rebate sa lahat ng mga pelikulang nabigyan ng ratings pagkatapos ng Disyembre 10 ng taong ito. Lahat ng naunang pelikulang nabigyan na ng ratings ay tatanggap pa ng rebate.

Daniel sasabak sa drama

Huwag ninyong asahan na magiging malaking hit ang susunod na pelikula ni Daniel Padilla. Kikita naman sigurado ang pelikula, pero baka hanapin ninyong kasing lakas iyon ng mga pelikula ng KathNiel. Kasi iyong susunod daw na pelikula ni Daniel ay isang heavy drama na may kinalaman sa kuwento ng mga survivor ng isang malakas na bagyo.

Kasama ni Daniel sa pelikula ang aktres na si Charo Santos.

Tiyak na maganda ang pelikula, hindi nga lang natin alam kung kumersyal. Pero sayang kasi ngayon wala na silang makukuhang tax rebate ano mang ganda ng pelikula nila.

Mga nawawalan ng career, sa social media nagko-concentrate

Sinasabi nga nila, kung umabot na sa panahong ang isang celebrity ay hindi na halos napapansin, at para mabalitaan mo ay sila na mismo ang nagpo-post tungkol sa sarili nila sa social media, isa lang ang ibig sabihin noon. Tanggapin man nila o hindi, laos na sila.

Kung minsan nakakaawa rin naman iyong mga artistang nilipasan na ng popularidad, pero ano nga ba ang magagawa natin? Talagang ganoon sa showbusiness. Minsan uso ka, minsan hindi na. Iyon ang kailangang paghandaan ng isang artista, iyong panahong mawala na ang kasikatan nila dahil wala namang artistang sumikat nang habang panahon. Tiyak na bababa rin ang kanilang popularidad.

Mahirap at napakasakit na tanggapin ang mga bagay na iyon, pero ano nga ba ang magagawa?

Show comments