Dulce pumanig kay Morissette, pinayuhang mag-sorry na lang

Morissette

MANILA, Philippines — Pinag-uusapan pa rin ang isyung walk-out ni Morissette Amon sa nakaraang birthday concert ni Kiel Alo na ginanap sa Music Museum nung nakaraang linggo.

Pati si Regine Velasquez ay hiningan ng opinyon pero safe ang sagot dahil hindi naman daw niya alam ang buong pangyayari.

Pero close raw sila ni Morissette at mabait daw ito, kaya inasaahan niyang malagpasan niya ang isyung ito.

Tungkol naman sa mental illness ang ipinost ni Moira dela Torre sa kanyang Twitter account na mahirap daw kapag pinagdadaanan ito ng mga tao. Hindi raw ito dapat basta ipagwalang-bahala, dahil pinagdusahan na raw ito ng karamihan.

Tahasan namang sinabi ni Marissa Sanchez na huwag na lang daw pansinin ni Morissette ang dalawang maldita na parang ‘lola’ lang naman daw sila na pinapagalitan siya.

Hiningan din namin ng opinyon dito si Dulce nang makausap namin nung nakaraang Sabado sa mediacon ng malaking concert ng Bida Man runner up na si Jiro Custodio.

Ang ipinagdasal na lang daw ni Dulce na magpakumbaba na lang daw sana si Morissette at humingi na lang ng public apology.

“That’s what I’m praying na gawin kasi that’s the easiest thing to do,” pakli ni Dulce sa mediacon ng The Greatest Show at Cuneta Astrodome na nakatakda sa November 22.

“Ang pinakamadaling gawin ay ang magpakumbaba at humingi ng paumanhin. Ang bilis magpatawad ng tao. Kasi talagang…once na ginawa mo yun eh ano pa ang gagawin mo kundi tanggapin at talagang…you know, magpasalamat tayo na dumating sa ganung pag-iisip na kaya naman pala niyang magpakumbaba at humingi ng paumanhin.

“Kasi, let’s face it may mga nagbayad, may mga talagang bumili dahil sa kanya. Baka ang iba pinapasoli pa ang bayad.

“Para lang din ma-settle ang lahat, a public apology will do…yung pagpapakumbaba is the best thing to do at this point,” dagdag niyang pahayag.

Pero dito pa sa isyu ni Morissette sa naturang concert, ang isa sa pinupunto ni Dulce, mas mabuti raw sana na hindi na muna siya nagpa-interview bago nag-perform.

“Totoong nakaka-bother yan sa performance. Kaya madadalas nasasabihan ay ang suplada, ay ang taray. Totoo kasi na yung mind mo napu-focus ka on the things that you are going to do.

“Ang hirap kung merong papasok dun sa area na yun. Hinahanda mo yung sarili mo. Hindi kasi biro yun kaya naiintindihan ko yung kalagayan na yun. And knowing na merong mga issues na hindi naman siya madaling sagutin. Parang kailangan mo pa siyang i-sugar coat para lumabas na okay lang but actually deep inside of that person is struggling siya talaga.

“Siguro hindi na talaga kinakaya ng isip na sinasaktan ang sarili kasi mayroong mga panahon na hindi na ma-cope ng…emotionally hindi na niya ma-cope, mabigat iyun,” pahayag ni Dulce.

Pero naintindihan din niya ang kalagayan ng producer na napahiya sa sitwasyong iyun.

“Siyempre yung producer na nag-ayos ng sitwasyon, ng show, mahirap sa kanyang kalagayan kasi siya rin yung naiipit.

“Kaya, actually dun sa nangyaring ito meron talagang nakakaawa ang situation, parehong nagigipit.

“Kaya, para sa atin, tulungan na lang nating makalampas, makaahon, lumipas kang din ito kasi mahirap if you’ll just dwell on it kasi masakit.

“Marami rin siyang pinuprotektahan na maa­ring hindi alam ng publiko. Marami pang bagay na kailangan niyang protektahan, bilang involved ang pamilya,” pahayag ng Asia’s Timeless Diva.

Tinitiyak naman niyang walang walk-out na mangyayari dito sa partisipasyon niya sa concert ni Jiro Custodio.

Show comments