_pang-masa
^
Ate Vi wala nang mahihiling pa sa kanyang birthday!
Ate Vi

Ate Vi wala nang mahihiling pa sa kanyang birthday!

ISYU AT BANAT - Ed de Leon (Pang-masa) - November 3, 2019 - 12:00am

Ngayon mismong araw na ito ay birthday ng congresswoman at star for all seasons, and for all reasons na si Vilma Santos. Huwag na ninyo kaming tanungin kung ilang taon na ngayon si Ate Vi dahil sa natatandaan naming sinabi niya 37 lang siya at tumigil na doon.

Si Ate Vi ay isa sa mga artistang pinakamatagal na naming kilala. Natatandaan namin, nagsisimula pa lamang kami sa aming career bilang isang writer nang makilala namin siya.

Kasagsagan iyon ng kanyang career bilang isang teen star. Noon ang panahong matindi ang labanan nila sa popularidad ni Nora Aunor. Masasabi nating noong mga panahong iyon, sila ang nagbabangon ng industriya dahil ang mga pelikula lamang nila ang nakalalaban nang husto sa mga nauuso noong mga pelikulang “bomba” o “sex films”.

Matapos iyon, unti-unting kumilos ang career ni Ate Vi bilang isang dramatic star, at box-office star din.

Ang lahat ng kanyang mga pelikula ay kumita, maski na iyong mga pelikulang sinasabi niyang hindi rin niya nagustuhan. Pero ano man ang gawin niya, ewan nga ba kung bakit tinatangkilik ng fans.

Hindi naman sa kani-kanino, pero mas naunang kinilalang isang aktres si Ate Vi. Kasi nga pinasok niya agad ang mga seryosong pelikula, habang ang kalaban niya noong si Nora Aunor ay gumagawa pa rin ng mga pelikulang musical kung saan naman siya malakas.

Unti-unti kung kumilos ang career ni Ate Vi bilang isang aktres, kaya may panahong may mga nagsasabing naiiwan siya, pero may dahilan kung bakit ganoon, kasi gusto nila sigurado sa bawat hakbang ang kanyang career. Doon mo naman makikita ang pagtutulungan ng kanyang producer noon na si Atty. Espiridion Laxa at ang kanyang ina, si Mama Mila Santos. Actually ang dalawa ang nagpapatakbo ng career ni Ate Vi noong panahong iyon.

Dumating din ang panahon na nahawakan ni Ate Vi ang telebisyon. Aminado siyang hindi siya isang singer, pero naging host siya ng isang musical variety show na hindi natalo ang ratings hanggang sa matigil lamang dahil siya na ang umayaw dahil gusto niyang magka-anak ulit. Kung kulang man sa pagkanta si Ate Vi, inaabangan naman ang kanyang pagsasayaw. Iyong show niya noon, sinasabi nga nila “opening number lang sulit na.”

Siya ang highest paid television star at sa kanyang show lang nangyari na para makapasok ang isang commercial, kailangang magbayad sila ng pito, dahil iyong anim, ilalagay na lang ng network sa ibang shows. Nabuhay sa kanya ang network.

Pero ang higit na dapat na maalala natin kay Ate Vi, siya ay isang napakabuting anak na hindi nagpabaya sa kanyang mga magulang at ganoon din naman sa iba pa niyang mga kapatid. Siya rin ay isang napakabuting ina, na sa kabila ng lahat ng trabaho at problema, nagagawa niyang gampanan ang kanyang tungkulin sa kanyang mga anak. Bilang isang asawa, si Senador Ralph Recto na siguro ang magsasabi.

Si Ate Vi ay naglilingkod na ngayon sa mga mamamayan ng Batangas sa loob ng 22 taon na, at sa buong panahong iyan malinis ang kanyang record bilang lingkod bayan. Natamo na niya ang pinaka-mataas na karangalan, ang isang presidential award bilang public servant noong panahong gobernador pa lamang siya ng Batangas.

Ewan kung ano pa nga bang pangarap ang hindi naaabot ni Ate Vi na maaari pa niyang hilingin sa kanyang pagdiriwang ng birthday ngayon.

Nasa kanya na ang lahat, at nagawa na niya ang lahat. Si Ate Vi ang isang taong makapagmamalaking nagawa niya at natapos nang maayos ang lahat ng kailangan niyang gampanan sa kanyang buhay.

Happy birthday Ate Vi. (Maligayang kaarawang Rep. Vi. – Salve)

VILMA SANTOS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with