Coco matagal na pinangarap makatrabaho si Bossing, nataranta kay Maine!

Parehong masayang-masaya sina Vic Sotto at Coco Martin na finally ay natuloy na ang pagsasama nilang dalawa sa isang pelikula. Noon pa pala ay gusto nang makasama ng Kapamilya Primetime King ang ace comedian, wala pa ang FPJ’s Ang Probinsyano, but unfortunately ay hindi ito nag-materialize that time.

 

“Dati ko pa po nire-request na makatrabaho si Bossing (Vic),” kwento ni Coco sa grand presscon ng Jack Em Popoy The Puliscredibles, an entry to Metro Manila Film Festival 2018, “may concept po kasi ako dati no’n na Si Enteng at si Juan.

“Tapos lumapit po ako sa kanila na baka saka-sakali na pwede kaming magsama ni Bossing, tapos, siyempre po, because of the management, magkaiba po ng kumpanya, hindi po natuloy ‘yung proyekto.

“And then, after that, nung may nabuo po ulit akong kwento, sabi ko, baka-sakali na. Ako rin, nahihiya na ako kay Bossing na lumapit kasi nga hindi natuloy ‘yung unang project na nilapit namin sa kanya.

“And then, ‘yun, kinausap po namin si Mr. (Tony) Tuviera (ng APT Films), and then, sinabi ko na mayroon po akong naiisip na concept.”

Aminado rin si Coco na lumaki siyang napapanood ang mga MMFF movies ni Vic kaya talagang idolo niya ito.

“Naalala ko po nung bata pa ako, everytime na kapag Pasko po, sama-sama po kami ng family ko, nanonood po kami ng lahat ng pelikula ni Bossing, lahat ng mga Enteng, napanood po namin ‘yun.

“Kaya ngayon po, nun’g ‘eto, naging artista na po ako, talagang pangarap ko – hindi naman ako nahihiya – lagi kong sinasabi na pangarap kong makatrabaho si Bossing,” sey pa ni Coco.

Nang sabihin daw niya kay Mr. Tuviera ang concept niya, iminungkahi raw nito na bakit hindi isama si Maine Mendoza para mas lalong gumanda.

“Eh siyempre, naaano po ako dahil masyado silang ano, siyempre, malalaki silang artista ng GMA, nahihiya po ako na mag-approach, pero sabi ko, kung mapagbibigyan, bakit hindi natin subukan?

“And then, doon ako mas nataranta. Kaya nun’g binubuo po namin ng creative (team) ko ‘yung kwento, na talagang sabi namin, ‘itong proyektong ‘to,  talagang napaka-espesyal’ kasi sabi ko, ‘ang hinihiling ko lang, makatrabaho si Bossing, pero ngayon, ibinibigay sa atin pati si Maine. Kailangang pagbutihin natin ‘tong pelikulang ito dahil baka hindi na siya maulit pa,’” sabi ng Primetime King.

At dito na nga nabuo ang konseptong pagsamahin ang mga taga-FPJ’s Ang Probinsyano at mga taga-Eat Bulaga.

“Para ibang kumbinasyon naman ang makikita nila, ibang panlasa. Kaya ayun po, everytime na nagmi-meeting kami nina Bossing, dahan-dahan naming binubuo ‘yung kwento, kasama sina Maine, lahat ng creative, hanggang sa finally, nabuo na po ‘yung kwento. Kaya ‘yun nga po, isang pangarap na natupad kaya masaya kami and then, sobrang proud po kami sa pelikulang ito dahil alam po namin na pinaganda namin,” sey pa ni Coco.

Aminado naman si Bossing na talagang nanghina­yang siya that time na hindi natuloy ang unang proyekto.

“Ako, nakikita ko siya (Coco), napapanood, mga pelikula niyang Indie (independent film), napanood ko rin. Nakita kong magaling siyang aktor.

“Kaya ako’y na-excite, eh. Nang malaman kong meron sana kaming gagawin, unfortunately, hindi nga natuloy dahil nga hindi ayos ang mga network.

“Anyway, siguro, it was a blessing in disguise, na hindi natuloy and natuloy na ngayon dahil sabi nga ni Coco, ‘hindi pwedeng hindi maganda itong gagawin natin.’ Kasi, first time itong team-up na ‘to, Coco-Maine, eh sa mga fans pa lang nitong dalawang ‘to, palagay ko, kukulangin na ang mga sinehan sa Pasko, eh.

“Kaya ako’y kumpiyansang-kumpiyansa at ako’y natutuwa, I’m very excited, very happy na sa wakas, natuloy na itong project namin ni Coco,” pahayag ni Bossing.

Siniguro naman ni Coco na sa pelikulang ito ay wala nang mairereklamo pa ang kapulisan na nangyari nga sa FPJAP kamakailan.

Sey naman ni Bossing, “kaya nga may subtitle na ‘The Puliscredibles.’”

Show comments