Bong puwedeng manalo kahit nakakulong

Totoo kaya ang usap-usapan na may ia-announce na pasabog si Bong Revilla Jr. sa susunod na mga araw, at kaya lang daw hindi pa masabi ay dahil gusto muna niyang konsultahin ang kanyang pamilya?

 

Ang nag-leak na kuwento, pinuntahan daw sa Crame ng ilang matatas na opisyal ng gobyerno si Bong at hinihimok siyang tumakbong senador ulit. Iyon daw ay dahil lumabas ang pangalan ni Bong na number 7 pa sa mga kandidato para senador sa isang survey na ipinagawa ng kanilang partido.

Naniniwala rin naman sila na maglalabas na ng resolusyon ang korte sa kaso ni Bong, at sinasabi nga nilang malamang sa hindi ay lumabas na wala naman siyang kaso talaga. Kaya confident nila na makakalaya na siya at magkakapagkampanya. Kung hindi naman daw, naniniwala silang magagawa rin ni Bong kung ano ang nagawa ni Senador Antonio Trillanes na nanalo habang nakakulong.

Tahimik ang kampo ni Bong tungkol sa mga bagay na iyan. Umaasa rin sila sa isang favorable decision ng korte kay Bong, pero ang sinasabi nila ay umaasa silang makakasama na nila iyon sa birthday niya mismo, o kaya naman ay sa premiere ng pelikulang Tres na ang bida ay ang tatlong anak niyang sina Bryan, Jolo at Luigi Revilla.

Ang dalawang kasama ni Bong sa parehong kaso ay parehong nakalaya na. Pinakawalan na si dating Senador Juan Ponce Enrile dahil sa humanitarian reasons. Matanda na kasi siya para makulong pa. Si dating Senador Jinggoy Estrada naman ay pinayagang makapagpiyansa dahil mahina naman umano ang ebidensiya laban sa kanya. Ngayon mukhang ganoon din ang sinasabi nila kay Bong, at may himig na diumano ay panggigipit na political talaga ang dahilan kung bakit sila kinulong noon.

Hindi natin alam kung ano ang mangyayaring kasunod. Ang huli naming narinig, talagang umaasa si Bong na makakalaya na siya at ang sinasabing balak niyang gawin agad ay hindi naman kumandidato kung di makagawa ng isang pelikula.

Tito parang nagdyo-joke lang sa isyu ng Pambansang Awit

Iyang titik ng Lupang Hinirang ay sinulat ng bayani at makatang si Jose Palma, at ang orihinal na titulo niyan ay Filipinas. Umakma naman iyon sa himig na ginawa ni Julian Felipe, iyong Marcha Nacional Filipina na simula noong panahong iyon ay siyang naging tanging batayan ng lahat ng pagsasaling wika ng ating Pambansang Awit. Mas nauna pang naisalin sa wikang Ingles ang Filipinas, na naisalin lamang sa Tagalog noong 1956 na ginawa naman nina Julian Cruz Balmaceda, Ildefonso Santos at Francisco Caballo. Simula noon nakilala na iyan bilang Lupang Hinirang.

Hindi naman kami sa kani-kanino. Ang daming problema ng Pilipinas. Wala na nga tayong mabiling bigas eh, pero bakit sa usapan eh iyang pagbabago pa sa Lupang Hi­nirang ang inuuna? Ano ba ang hindi maganda sa titik na ginawa ni Palma? May mali ba sa salin nina Balmaceda, Santos at Caballo.

Minsan naiisip namin, iyan ang joke ni Tito Sotto na hindi masyadong nakakatawa.

Character actor na panay ang ‘sideline’, kitang naglalagi sa mga hotel

Aminado ang character actor na kailangan pa rin niyang ‘mag-sideline’ dahil malaki na ang gastos sa dalawa niyang anak. Maliit lang naman daw kasi ang talent fee niya sa pagiging guest sa mga teleserye, na nababawasan pa ng komisyon ng manager niya na siyang nagpapasok sa kanya roon.

Iyon pala ang dahilan kung bakit ang character actor ay madalas na makitang mag-isang pumapasok sa mga hotel. Mukhang iyon ang ‘sideline’ niya. Ano kaya ang sideline niya, bellboy?

 

Show comments