Mocha Uson nagkalat ng kalaswaan, ipepe, idede, ipederalismo’ pinauuso

Mocha

Natatandaan namin noong araw, may sumikat na kanta iyong grupong Ermar Duet. Ang isa roon ay ang komedyanteng si Mar Lopez, at si Mang Ernie dela Pena. Ang kanta nila ay Pinagbigyan na may bahagi ng lyrics na “ibig kong kuman...ibig kong kuman....ibig kong kumanta ngayon paraluman. Sa tabi ng pu....sa tabi ng pu... sa tabi ng puno ng hagdanan”.

Kung titingnan mo ang kabuuan, naghaharana sila at gusto nilang kumanta sa may puno ng hagdanan, pero hindi maikakaila na may double meaning ang kanilang kanta. Bago nila kinanta iyan, nauuso na iyan sa mga lamayan. Noong sumikat ang kanta, naglabas ng circular ang noon ay Radio Control Office, na ipinatitigil ang pagpapatugtog ng kanta sa radyo dahil sa reklamo ng mga mamamayan.

Si Joey de Leon, wala namang balak na mambastos. Comedian siya at nagpapatawa lamang. Pero binatikos siya nang husto noong araw dahil sa paggamit ng mga double meaning words sa kanyang jokes. In the end tinigilan iyon ni Joey.

Iyang mga taong iyan, dahil comedians nga, nagpapatawa lang. Ano ang magiging reaksiyon kung ang bubulaga sa inyo ay video na ang kinakanta, “ipepe, idede, ipederalismo”. At hindi lang tunog ang double meaning, dahil doon sa sayaw na ipinakikita may itinuturo pa. Ang masakit, mga taong gobyerno pa ang naglabas niyan. Tanggapan pa ng gobyerno ang gumawa niyan.

Naniniwala kami na hindi iyan makakalusot sa program standards ng KBP (Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas). Pero inilalabas sa social media kung saan wala namang moral standards na sinusunod. Kumakalat iyan at napapanood kahit na ng mga bata. Kaya sinasabi namin, hindi dapat payagan ng mga magulang ang mga bata diyan sa social media na sobra kung minsan ang lumalabas.

Hindi kami kani-kanino, pero nakakadismaya ang ganyan. Nadismaya kami kay Mocha Uson.

Related video:

Mga anak ni Nora tuloy ang pambo-boycott

Sa totoo lang, noong makita namin ang pictures ng reunion ng mga anak ni Nora Aunor, mas nalungkot kami. Naroroon sina Ian, Lotlot, Matet at lahat ng iba pang mga inampon niya, pero wala sa pictures at obviously wala si Nora Aunor sa pagtitipong iyon. Bakit naman ganoon, hindi ba nagkabuklud-buklod ang buhay nilang lahat dahil kay Nora?

Ano kaya ang dahilan at hindi nakasama si Nora sa reunion ng mga kinikilala niyang mga anak? Nakakalungkot na nang matanong siya tungkol sa planong pagpapakasal ni Lotlot ulit, wala rin siyang alam. Iyon pala ay ilang taon na rin silang hindi nagkakausap.

Ang liit-liit ng mundong kanilang ginagalawan. Maliit lamang ang showbiz. Ano nga ba ang nangyayari sa pamilya ni Nora? Obvious din na ang lahat ng mga sinasabing anak niya ay nag-uusap at mukhang siya lang ang wala. Bakit naman ganoon?

Aspiring actor naudlot ang bonggang career dahil sa kalaswaan

Kawawa naman ang isang male starlet na gusto sanang makapasok talaga sa showbiz. May hitsura naman ang bata at may talent, kaso bago siya nagkaroon ng pagkakataon ay kumalat na ang isang sex video na nagawa niya noong araw na mas bata pa siya. Natanggal siya sa ilang ginawa niyang commercials dahil doon, inalisan din siya ng scholarship sa kanyang school, at hanggang ngayon pinagpapasahan pa rin ng mga tao ang link sa sex video na iyon.

Kaya ang dapat, nag-iisip munang mabuti bago gumawa ng kung ano.

Show comments