Ka Freddie mas kailangan ng datung kesa sa award!

Pinarangalan ng senado si Freddie Aguilar dahil daw sa kanyang mga nagawa para sa sining at kultura ng Pilipinas. Inaprubahan ng senado ang Senate Resolution 658 na iniharap ni Majo­rity Leader Senator Tito Sotto, lahat naman ng mga naroroong senador ay pinangalanang co-author ng nasabing resolution. Tinanggap ni Ka Freddie ang parangal noong isang araw.

Sinabi sa resolution na ang kantang Anak, na noon ay isinali ni Ka Freddie sa Metro Pop Music Festival, isang taunang contest sa musika na sinimulan ni Imee Marcos, ay naisalin na sa 29 na iba’t ibang wika sa 53 bansa. Nai-record na rin sa mahigit na 100 bersiyon, at nakapagbenta na ng 33 milyong kopya.

Nakakatawa na napag-aralan nilang lahat iyan, pero hindi man lang sila nagtanong kung bakit hindi pa milyonaryo si Ka Freddie, o kung nakakuha ba siya ng tamang royalties sa lahat ng inabot ng kanyang kantang Anak na nakapagbenta na ng ma­higit 33 milyong kopya. Hindi ba ibig sabihin ni­yan ay napakahina ng ating mga batas na nagbibi­gay proteksiyon sa intellectual property? Hindi ba nangangahulugan iyan na mukhang walang silbi ang ating batas laban sa piracy?

Sana kasabay ng pagbibigay ng parangal kay Freddie Aguilar, naroroon din ang isang pangako na gagawa sila ng batas para bigyang proteksiyon naman ang mga kawawang artists na kanilang pinaparangalan.

Tingnan nga ninyo si Ka Freddie, nasunugan na ng bahay, hindi pa man natatagalan, at lumung-lumo siya sa nangyaring iyon dahil sabi nga niya parang imposible nang magkaroon pa siya ng ganoong bahay at mga kagamitan sa panahong ito. Una, hindi na nga naman ganoon kalakas ang bentahan ng plaka niya dahil sa piracy, wala ring producer na gumagawa ng mga bagong kanta dahil nalulugi lang din. Ilalabas mo ng umaga, sa hapon ay pirated na. Ano nga ba ang magagawa nating tulong sa mga artist na ganyan. Mas kailangan tulungan sila kaysa sa parangalan lang.

Aiza pinairal ang pagiging artist kaya nag-resign sa NYC!

Nag-resign na nga ang singer na si Aiza Seguerra bilang chairperson ng National Youth Commission. Sinasabing personal niyang kinausap ang presidente para siya makapag-bitiw, at naunawaan naman daw ng presidente ang kanyang “personal reasons”. Walang sinabing dahilan si Aiza, pero may mga umuugong na medyo dismayado siya sa bureaucracy sa gobyerno.

Artist kasi si Aiza, hindi siya sanay sa pakaliwa’t pakanan ng trabaho sa gobyerno. Pero kung kami ang tatanungin, maganda naman iyong ginawa ni Aiza na pagbibitiw sa gobyerno. Inilagay siya sa puwesto niya dahil nakatulong siya sa kampanya ng presidente noong panahon ng eleksiyon, dahil sa kanyang relasyon kay Liza Diño na chairperson ng FDCP, na anak naman ni Martin Diño na underseceretary ng DILG. Parang hindi rin naman magandang tingnan iyong isang pamilya na lahat ay may puwesto sa gob­yerno. At least nang mag-resign si Aiza, nabawasan naman kahit na isa.        

Veteran actress ibinahay ang football player na 40 taon mas bata sa kanya!

Nag-take home raw ang isang aging actress ng isang batam-batang football player, na mas bata pa kaysa sa kanyang bunsong anak. Iyang ganyang ugali niya ang dahilan kung bakit nilayasan na siya ng mga anak niya noong araw pa.

Akala namin tumigil na siya, pero iyon pala tuloy pa rin ang kanyang ugaling ganoon. Hindi naman siguro siya matatawag na pedophile, dahil nasa age of reason na rin ang football player, pero higit na mas bata sa kanya. Ang laki ng agwat ng edad nila, 63 at 23.

Show comments