MMFF pass higit sa dalawang libo ang presyo

Ellen Adarna

Kung alam ko lang na magpapa-raffle ng mga season pass sa presscon ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2017 noong Sabado, hindi ako nagtamad-tamaran na lumabas ng bahay as in pinilit ko na dumalo para makapangharbat ako ng mas marami.

Ang mahal-mahal ng tiket sa mga sinehan nga­yon ha? Kung hindi ako nagkakamali, P280 ang presyo ng mga cinema ticket para sa mga pelikula na kasali sa MMFF.

Kung may hawak ka na season pass, P5 lang ang ibabayad mo sa sinehan, nakatipid ka ng P275. Kung may season pass ka para sa walong pelikula, mali­naw na P2,240 ang worth nito kaya masuwerte ang mga nag-win ng mga ipina-raffle na season pass sa presscon ng MMFF.

Kung umapir ako sa presscon bilang invited naman ako, baka nakaharbat ako ng mga season pass mula kina MMDA Chair Danilo Lim at MMDA General Manager Tim Orbos.

Naiinggit talaga ako sa mga reporter na nanalo ng tig-lilima at tig-sasampu na season pass na mahigit sa sampung libong piso ang halaga kapag kinuwenta.

Salamat Mama Koring…

Maraming salamat kay Mama Korina Sanchez dahil sa Christmas gift na ipinadala niya sa akin.

Every year, never na nakalimot si Mama Koring na consistent sa pagbibigay sa akin ng mga regalo.

Gustung-gusto ko ang gift na natanggap ko mula kay Mama Koring pero nag-decide ako na huwag i-reveal dahil ayokong kainggitan ako ng fans. Mara­ming salamat Mama Koring!

Pagseseryoso ni John Lloyd kay Ellen, ‘di pa rin tanggap ng fans

Naloka naman ako dahil ako ang ikino-qoute ng mga diyaryo at entertainment websites tungkol sa pagpunta nina Ellen Adarna at John Lloyd Cruz sa isang ospital dahil nagpa-check-up ang sexy star na natsitsismis na buntis.

Kalurky ang mga headline na nabasa ko dahil parang ako ang personal na kumuha at nagkalat ng mga litrato eh malinaw naman na may nagpadala lang sa akin.

Nakakaloka talaga dahil parang publicist na ako ng love story nina John Lloyd at Ellen. Wala naman akong ipinagkaiba dahil tulad ng fans, nakikiusyoso rin ako sa mga ganap sa relasyon nila.

Hindi ko na kasalanan kung sa akin ipinagkatiwala ang kopya ng mga litrato ng mag-dyowa na stolen shot. Ang kasalanan ko lang, kung masasabi nga na kasalanan, may-I-share ko sa readers ng PM, PSN at followers ko sa Instagram ang controversial pictures.

Uulitin ko, wala akong ibang intensyon o motibo nang i-share ko ang pictures. Boto nga ako sa relasyon nina Ellen at John Lloyd dahil in love na in love sila sa isa’t isa. Imbyerna lang siguro ang fans ni John Lloyd na hindi matanggap ang katotohanan na sa rami ng mga nakarelasyon ng aktor, si Ellen ang sineryoso niya.

Vic pabor sa Parade of Stars sa Muntinlupa

Ang suwerte naman ni Vic Sotto dahil malapit lang sa bahay niya sa Laguna at Alabang ang ruta ng Parade of Stars ng Metro Manila Film Festival sa December 23.

Hindi kailangan ni Bossing na mag-effort o sumagasa sa Metro Manila traffic dahil sa Muntinlupa City ang umpisa ng parada ng mga artista. Malapit lang ang Muntinlupa sa bahay nina Bossing at Pauleen Luna sa Cabuyao, Laguna.

‘Yun nga lang, expected ang heavy traffic sa Muntinlupa sa darating na Sabado dahil sure na dadagsa ang fans sa Parade of Stars. Kailangan pa rin ni Bossing na umalis nang maaga sa bahay nila ni Pauleen.

Show comments