Naggagandahang dilag tatakbo sa Manila Bay!

MANILA, Philippines -  Tatakbo ang bagong tanghal na Miss Philippines-Earth na si Karen Ibasco, kasama ng kanyang mga runners-up, gayundin ang mga Reyna ng Aliwan mula 2014 hanggang 2017 na sina Steffi Rose Aberasturi, Stephanie Joy Abellanida, Cynthia Thomalla, at Marla Alforque sa 2017 Manila Bay Clean-Up Run na gaganapin sa Linggo, July 23.

Magtatanghal naman ang Go Girls at si Tanya Chinita ng 101.1 Yes FM sa mini concert pagkatapos ng fun run, na layuning makalikom ng karagdagang pondo para sa paglilinis ng Manila Bay.

Ang iba pa’ng mga deejay ng 90.7 Love Radio, 101.1 Yes FM at 96.3 Easy Rock ay ipinangangalandakan na ang kanilang mga singlet sa fun run upang mahikayat ang publiko na suportahan ang mga proyektong naglalayong isalba ang ating mga ilog at karagatan.

Lalahok din ang mga running clubs, paaralan, corporate teams at iba’t-ibang running enthusiasts bilang tulong sa kampanya.  Magsisimula ang fun run ng 4:30 ng madaling araw.

Magmula alas-dos ng madaling araw hanggang alas-siyete ng umaga, sasaraduhan ang southbound lane ng Roxas Boulevard mula T.M. Kalaw hanggang Cuneta Astrodome, gayundin ang daan mula Roxas Boulevard patungong Diokno Road, at Seaside Boulevard mula Diokno hanggang Bayshore. Mangyaring humanap ng ibang kalyeng daraanan.

Show comments