MTRCB kailangang maghigpit sa mga teleserye!

Sa natatandaan namin, iyon lamang news programs at live shows ang hindi dumadaan sa MTRCB (Movie And Television Review And Classification Board) bago ipalabas.

Ganoon pa man, saklaw na sila ng MTRCB matapos ang kanilang unang airing. Ibig sabihin kung may objectionable sa kanilang nagamit sa pagbabalita, o anumang live na palabas at saka sila ipatatawag ng MTRCB.

Iyong mga pelikula at iba pang panoorin sa tele­bisyon, kasama na ang mga teleserye, dahil iyan naman ay naka-tape bago ipalabas, pinadadaan muna sa MTRCB para i-review.

Nitong mga nakaraang panahon, mukha ngang nagkakaluwagan na sa control ng mga panoorin sa telebisyon, kaya hinahayaan na silang magkaroon ng “self regulation” at saka na lang ipinatatawag ng MTRCB kung naipalabas na kung ano man iyong mahalay na inilabas nila sa kanilang serye.

Hindi ba mas tamang ibalik iyong kagaya noong dati na nire-review muna nila iyon bago ilabas, kaysa kung kailan nailabas na at saka nila ipinatatawag para sa isang “gender sensitivity conference” na wala namang nangyayari?

Natawag ang aming pansin ng isang producer ng isang serye na nagsa­bing, “kung minsan ipinapa-review muna namin sa MTRCB kung ano ang show bago pa man ilabas on the air”. Minsan lang ba sila kung gumawa ng review, at iyon ay kung kusang ibibigay sa kanila ang palabas for review? Hindi ba mas tama na ma-review muna iyon bago ilabas at mapanood na ng lahat sa buong bansa? Hindi ba ang dapat na mahalaga sa MTRCB ay iyong kapakanan ng publiko na nanonood ng mga palabas? Ang nangyayari mukhang napapaikot sila ng mga networks. Mayroon pa bang executives ng mga TV networks na nakaupo rin sa MTRCB? Sa ganyang set up, hindi na kami nagtataka doon sa mga nababalitang mas niluluwagan ang ratings kahit na ng pelikula oras na magbunganga sa kanila ang mga director at producers noon, kagaya noong nabalitang nangyari lately.

Aktres na papalaos na, hindi binigyan ng special treatment sa isang restaurant nung Valentine!

Nasa isang restaurant kami kasama ang ilang kaibigan noong Valentine’s day nang pumasok ang isang sikat na female star. Dahil mara­ming tao, ang tagal nilang nakatayo sa may entrance na siguro naghahanap ng kanilang mauupuan. May dumating na siguro isang regular client ng restaurant, na mabilis na sinalubong ng isang waiter at pinaupo sa isang bakanteng table.

Nakita naming medyo sumama ang mukha ng female star. Noong pa­nahong sikat na sikat siya, hindi ganoon ang treatment sa kanya.

Nakakaawa ang female star. Hanggang ngayon nga raw kasi, hindi niya matanggap na hindi na siya talagang sikat. Pero ganoon naman talaga ang buhay.

Show comments