Condo na dinarayo ng mga laos na artistang pusher, minamanmanan na

Mga artistang “nalaos na” ang sinasabing nagtutulak din ng droga. Kaya naman nasabi iyan ng PDEA ay dahil may mga nakitang “dating sikat na mga artista” sa isang CCTV footage na nakuha nila sa condo ng isang nadampot na drug pusher. Diumano, sinasabi ng mga witness na maraming mga artistang nagpupunta roon.

Dahil diyan, sinabi rin nilang mahigpit nilang mamanmanan ang mga artistang suspects. Sinasabi rin nilang natuwa sila sa aksiyon ng ilang networks na nagpa-drug test ng kanilang mga artista, ganoon pa man sinasabi nilang dapat maayos na testing ang isagawa. Bagama’t maraming laboratoryo na gumagawa ng drug testing, ang sinasabi lang na mapanghahawakan talaga ay iyong isinagawa ng PDEA at ng NBI.

Angel nasa kondisyon na para mag-darna

Kahit na sinasabi ni Angel Locsin na kailangan pa niyang magbalik sa Singapore kung saan siya nagpa-opera ng kanyang likod para masi­guro kung ok na nga iyon talaga, mukhang magaling na nga siya. Nagulat kami noong makita namin iyong pictures na nag-scuba diving siya. Iba ang effort ng activity na iyan. Talagang kumikilos ang buong katawan mo. Para magawa mo iyan, kundisyon ka na.

Kung sa bagay, swimmer naman talaga si Angel. Hindi nakapagtataka kung bakit magaling siyang lumangoy, ang tatay niya ay isang champion swimmer noong araw. Pero iba ang swimming lang, at iba ang scuba diving. Kung nagagawa na nga ni Angel ang mag-scuba diving sa ngayon, siguro nga masasabi nating tiyak na kaya na niyang gawin iyang Darna o kahit na ano pang action project.

Throwback… Aiko at Lea nag-uunahan kay Aga

Naging open si Aiko Melendez sa pagsasabing gusto pa rin niyang makasama sa isang pelikula si Aga Muhlach. Marami na silang pelikulang pinagtambalan noong araw, at hindi naman maikakaila na nagkaroon din sila ng nakaraan.

Mga late eighties to early nineties nung kasagsagan nun at marami ang naniwala na magtatagal nga iyon. Pero nagkaroon ng objections sa kani-kanilang pamilya and sooner than expected, wala na sila. Ganoon pa man, masasabing nanatili ang respeto sa kanilang dalawa bilang mga artista.

Noon ngang press conference noong pelikulang Barcelona: A Love Untold, hindi napigil ni Aiko na sabihan ang manager ni Aga Muhlach.

“Tutal nandito na ulit si Aga sa ABS-CBN, baka naman puwede na kaming gumawa ulit ng pelikula,” suhestiyon ni Aiko.

Naroroon ang possibility, pero iyon nga lang, mukhang ang mas napag-uusapang proyekto ay ang muling pagtatambal nina Aga at Lea Salonga.

Iyon ang maganda sa mga artista natin na may respeto sa isa’t isa. Sabihin na nating hindi rin naman naging maganda ang katapusan ng kanilang personal na relasyon noong araw, at least nanatili ang respeto professionally.

Maaari pa rin silang magsama sa mga proyekto. Hindi kagaya ng mga artista natin ngayon na nagkarelasyon, pero matapos mag-split, mukhang napaka-bitter na ayaw na nilang magkasama sila professionally, at hanggang maaari nga ay parang ni ayaw nang magkita.

Sa ganyan, masusukat mo rin ang propesyonalismo ng isang artista. Hindi naman kasi dapat mangibabaw ang kanilang personal na damda­min sa mga interest ng kanilang career. Iba iyong personal, iba iyong trabaho. Ganoon dapat ang attitude ng mga artista.

Show comments