Marian walang takot kahit saan!

Aarangkada na ang byuti ni Marian Rivera sa Mayo 2 sa pagsisimula ng talk show niyang Yan Ang Morning! sa GMA. Iba’t ibang segments ang handog ni Yan hindi lang sa mga inang gaya niya kundi maging ang mga bata rin.

Pero hindi lang pagiging talk show host ang tiyak na kaiinggitan kay Marian Rivera sa morning talk show niya sa GMA na Yan Ang Morning! kundi maging ang damit na isusuot niya. Eh, sa TV plug pa lang, kitang-kita nang yayamanin ang damit niya, huh!

“Next question, please! May stylist ako. Si John Paul Dizon. Nagmi-mix and match kami. ‘Yung shoes and brooches sa akin. ‘Yung mga damit sa kanya,” rason ni Marian sa press launch ng show.

Siyempre, kaiinggitan na naman siya niyan!

“Walang ganoon!” sangga ni Yan.

Si Direk Louie Ignacio ang director ng talk show ni Yan. Huli silang nagsama sa dance variety show na Marian.

Alam ni Marian na hindi siya pamilyar sa paghu-host. Pero kinailangan din niyang subukan ‘yung mga bagay na hindi siya pamilyar gawin kaya naman natutuwa sa resulta.

“Ako ay isang transparent na tao. Diretso akong sumagot. To be honest, hindi ko naman talaga forte ang paghu-host. Pero parati kong sinasabi sa interviews ko na wala naman sigurong masama kung susubukan mo ang mga bagay na hindi ka pamilyar.

“Dahil ako bilang isang ina, marami rin akong bagay na na-realize na, ‘Ay kaya ko pala ito! Ay magagawa ko pala ito!’

“So sabi ko, bakit hindi ko i-apply ito sa hosting? Wala naman sigurong masama. Kaya siguro ma­papansin ninyo, halos lahat ng tagline namin, ‘Kung kaya ni Yan, kaya niyo rin!’

“Ibig sabihin, kumbaga, hindi lang ako ang matututo sa work. Kahit ako, sa mga audience, off cam, nakikipag-usap ako sa mga guest namin. Nagtatanong ako sa kanila.

“Example, ‘yung breastfeeding. Nagtatanong ako sa kanila kung ano ang kailangan ko pang gawin para mas dumami ang milk ko?

“So natututo rin ako. Ang sarap lang dahil sa araw-araw na taping namin, ibang tao ang nakakasalamuha ko at araw-araw, iba-iba ang natutunan ko. Naa-apply ko ‘yon sa sarili ko.

“So ang sarap lang!” paliwanag ni Yan Yan.

Aminado si Marian na wala siyang talk show na pinanonood. Ang asawang si Dingdong Dantes ang katuwang niya tuwing binabasa niya ang script.

“Minsan kasi, nagba-bonding kami ng asawa ko. Like ‘yung kung papaluin ang anak. Napaka-supportive ni Dong kaya thankful ako.

“Nagiging blooming ang isang babae kapag sinusuportahan ka talaga ng partner mo all throughout at wala siyang reklamo at nandiyan siya para i-guide ka pa.

“Napaka-supportive ni Dong kaya siguro masaya lang ako. Although inaamin ko na mahirap naman talaga ang mga bagay na hindi ka pamilyar! Unti-unti matutunan ko rin. Malay ninyo, mag-live na kami!” deklara ni Marian.

Sa Mayo 2 na bubulaga ang Yan Ang Morning! ni Marian.

Show comments