Series nina Jolina at Marvin napag-iwanan sa pag-ere!

MANILA, Philippines – Topic sa tsikahan ng ilang press ang comeback series nina Jolina Magdangal at Marvin Agustin sa ABS-CBN. Binigyan kasi ng mainit na welcome ang dating loveteam at nauna pa ngang i-presscon ang teleserye nila na Flordeliza. Morning slot ang target nito bilang kapalit ng Be Careful With My Heart.

Sinundan ‘yun ng presscon ng Dream Dad ni Zanjoe Marudo na unang timeslot ay kapalit ng Hawak Kamay nina Piolo Pascual at Iza Calzado. Pero next week na raw ang ere nito.

Ang biglang pumasok na series ay ang Bagito ni Nash Aguas na ipinalit sa Pure Love na ang oras ay bago mag-TV Patrol.

Fixed na ang oras ng Bagito at ga­yundin ang Dream Dad. Pero walang balita sa Flordeliza nina Jolens at Marvin, huh! Eh, si Wenn Deramas pa naman ang director nito, kaya kailangan maganda rin ang time slot.

Natawa na lang ang entertainment press nang i-suggest ng isang writer na ilabas na lang ‘yun sa Studio 23 ng ABS-CBN! Eh news channel ang ANC at teleradyo naman ang DZMM. Sagot naman ng isang writer, sports and action channel ang Studio 23 kaya naman hindi bagay doon ang programa, huh!

Naku, baka uminit ang ulo ni Direk Wenn na naatasang buhayin ang Jolina-Marvin loveteam kahit mga bata ang bibida sa Flordeliza, huh!

Marian nakaka-apat na bridal shower na

Aba, apat na ang bridal shower ni Marian Ri­vera na ginawa sa Singapore this week, huh! Non-stop ang pagpapaalam ng GMA Primetime Queen sa pagkadalaga!

Lahat naman ng bridal showers na ibinigay kay Yan Yan ay unforgettable kung tutuusin. Pero ang pinaka-touching na nangyari sa kanya sa pag-aayos ng kasal ay nang pormal siyang ipakikila sa buong Dantes family.

“Na-feel ko talaga ‘yung sincerity ng pagtanggap nila sa akin bilang kapamilya. Nandoon sila lahat pati ‘yung Gonzales side.  Ibang-iba ‘yung okasyon na ‘yon kaya sabi ko nga, hayyy, ang sarap maging isang Dantes,” chika sa amin ni Yan bago siya umalis papuntang Singapore.

Pagdating sa bahay na titirhan after ng wedding, tikom pa ang bibig ni Marian pati na ang reception ng kasal.

Pagbalik niya sa bansa, isang bridal shower naman ang ibibigay ng veteran actress-friend na si Celia Rodriguez. Ipinost pa ng aktres ang mensahe ni Tita Celia sa kanyang Instagram account.

“Dear Marian,

“You’ve always been so loving and so true to all of us, that is why you are loved. So before you walk down the aisle I would like to give you a very special bridal shower. Party starts at 6PM at _____ Hotel.

“Love, Tita Celia”.

Ang alam namin, bibigyan din si Yan Yan ni Dra. Vicki Belo ng bridal shower at kasama na kaya ang press doon?

Penthouse Live bubuhayin din…

Matapos ang reunion ng grupong Music & Magic na pinanggalingan ni Kuh Ledesma, ang reunion naman ng mga naging bahagi ng Penthouse…Live ang magsasama-sama next month sa isang concert.

Siyempre pa, pangungunahan ito ng ex couple na sina Martin Nievera at Pops Fernandez. Present din ang aktibo pa ngayon na si Nanette Inventor na sumikat bilang si Dona Buding.

Aber, tingnan natin kung nasa kamalayan pa ng publiko ang ibang artista/dancer na naging bahagi ng famous dance show na Penthouse…Live, huh!

Show comments