Marlann Flores nakikilala na kahit kakapiranggot ang mga role sa teleserye

MANILA, Philippines - Naku, kagandahang Salve A, nakakamangha naman palang makasama at makapanayam itong si Marlann Flores, isa sa mga new breed ng Star Magic talents ng ABS-CBN. Hindi lang siya madaling lapitan para mainterbiyu kahit sandali lang, mabilis pang maka-recognize ng mga mukha ang 5’ 6” na mestiza. Isa pa, pirmi niyang binabanggit ang Panginoon kapag nagpapasalamat siya sa mga tao at pintuang bumubukas para sa kanya sa pinili niyang karera. Medyo relihiyoso palang bata ito dahil, “bata pa po ako in-instill sa aming magkakapatid ng Mama ko na kapag lumaki ang isang tao na may takot sa Diyos, everything will be alright kahit anong mangyari sa buhay.”

Sa kanilang tatlong magkakapatid, “ako po iyong nagkaka-interest na mag-showbiz talaga. Bata pa po ako, mga 12 years old pa lang po ako, meron na akong interest pumasok sa movies. Kaya kahit maliit lang ang role tanggap po ako nang tanggap, ‘di ako namimili,” banggit niya sa amin minsan. “Breadwinner po kasi ako at si Mama ko po ang tumayong maging mother at father sa aming magkakapatid. Maaga pala kasing naghiwalay ang mga magulang ni Marlann. Tapos moving on with life, naging optimistic lang talaga si Marlann. “Kaya po ngayong nasa Star Magic na ako, aalagaan ko po ang mga opportunities na ibinibigay sa akin ng ABS-CBN,” sinserong sinabi ng 21-year old na aktres.

Nang magsimula siya maging Kapamilya talent, “around 2009 po nagkaroon po ako ng appearances sa mga shows which I treasure talaga.”

Kung maaalala natin ang Juan dela Cruz ni Coco Martin, si Marlann si Liway ang babaeng alitaptap na gumagabay kay Juan. Lumabas din pala siya sa ilang episode ng Imortal na pinagbibidahan nina John Lloyd Cruz at Angel Locsin. Lumabas din siya sa episodes ng Ipaglaban Mo kamakailan.

Sa blockbuster na Maybe This Time nina Coco Martin at Sarah Geronimo isa rin siya sa kalahatang cast. Pero ang isang highlight ng karera ni Marlann sa ngayon ay “Dyesebel po! Naku thankful na thankful po ako kay God kasi ang dami ko rin pong eksena sa Dyesebel.” Siya ang gumanap na kaibigan ni Dyesebel “nung naging tao po si siya. Kasi ako po iyung isa sa mga unang nakilala at naging close kay Dyesebel nung nagsimula muna siyang tumira sa lupa,” nakangiting banggit ng dalagang ang mga mata ay may hawig kay Donita Rose.

Aba tingnan mo nga naman, marami rin palang magaganda at successful shows ang nasa resume ni Marlann. Sa special matinee premiere ng Once a Princess na ginanap sa The Block Cinema ng SM North EDSA noong katanghalian ng August 6, bilang isa sa mga invited guests kasama ang kanyang significant other, ang aktor na si Bryan Santos, ‘di akalain ni Marlann na may mga taong tumatawag kahit papaano ng pangalan niya para makipag-selfie o kunan kasama sila at kawayan siya. 

“Nakakagulat nga po eh, kahit papano natandaan nila ako, masaya na ako doon. Parang hulog po ni God itong blessings na ito sa akin kaya pursigido po ako sa showbiz.” Ngayon pala ang isang pinaghahandaan ng dalaga ay, “beauty pageant po. Balak ko po talagang sumali sa beauty pageant kundi po this year baka next year pero nagbabalak po talaga ako sumali. Sana po isa rin ‘tong opportunity na makamit ko from God, gusto ko po talaga mag beauty pageant,” masaya at hopeful na diin ni Marlann.     

 

Show comments