Raymart hindi raw tumupad sa mga pangako kaya Claudine ‘nagwala’ na naman

May bago na namang kuwento, inilabas ni Claudine Barretto ang kanyang hita na maraming peklat, at sina­bing ipinagagamot niya iyon sa ngayon.Hindi niya sinabi nang diretso kung sino ang may gawa noon, pero sinabi niyang iyon ay katunayan na siya ay isang “battered wife”. Kasama rin daw iyon sa kanyang reklamong violence against women. Kaya maliwanag, hindi man niya dire­tsang sinabi na ang may kagagawan noon ay ang kanyang asawang si Raymart Santiago.

Ang akala namin ay talagang nagkaayos na silang dalawa dahil si Claudine pa mismo ang nag-post ng mga pictures na magkakasama sila at nagsabing hindi man daw sila magkasundo ni Raymart bilang mag-asawa, nagkasundo silang pipilitin nilang maging mabuting mga magulang sa kanilang mga anak. Pero matapos na mag-usap na magkakasundo na, bigla na namang naiba ang usapan ngayon.

Maliwanag din naman kung ano ang hinanakit ni Claudine kaya umalma ulit. Hindi raw sumipot si Raymart sa birthday ng kanilang anak, pero nag-sky diving lang naman pala. Nabanggit din niyang hindi pa rin natupad ang ipinangako noong sustento sa kanila. Kaya maliwanag na rin namang ang punto ng kanilang away talaga ay sustento.

Siguro nga masasabing dahil iyan sa katotohanan na sa ngayon ay wala naman talagang kumukuha kay Claudine, dahil din siguro sa hitsura niya. Masyado siyang mataba para sa mga roles na dati niyang ginagawa. Ikalawa, sa rami ng kaguluhang nangyayari sa kanyang buhay, nagi­ging negative ang dating niya, at alam naman ninyo, ayaw ng mga producers ng ganyan.

Talagang sa ngayon, kailangang-kailangan nga si­guro ni Claudine na sustentuhan siya ni Raymart para mai-maintain niya ang kanyang buhay at ang buhay ng kanyang mga anak. Pero sa kaso naman ni Raymart, sinasabi niyang hindi naman siya tumatangging magbigay ng sustento, pero dahil nga sa kasama na iyon sa demanda sa kanya ni Claudine, gusto niyang hintayin muna ang desisyon ng korte para mas maliwanag.

Handa nang makita ang ex, Ynna tanggap na ang panloloko ni Mark

Ngayon masasabi na nga ni Ynna Assistio na kung magkikita sila ng dati niyang boyfriend na si Mark Herras ay ok lang sa kanya, bagama’t noong una ay sinasabi niyang nasaktan talaga siya sa nangyari sa kanilang dalawa. Tumagal kasi ng limang taon ang kanilang relasyon, at may panahon pa ngang ang usapan ay baka magpakasal na silang dalawa.

Kaya nga talagang nabigla si Ynna dahil bagama’t sila ay may relasyon, bigla na lang lumabas na nabuntis pala ni Mark ang dati     niyang handler. Kaya maliwanag na habang on pa sila, may nangyayari pala sa pagitan ni Mark at ng handler niya. Hindi mo maiaalis na masaktan talaga si Ynna.

Pero ngayon daw ok na sa kanya iyon.

Dahil sa mga kalandian, Actress/TV host hindi na nirerespeto

Talagang natawa kami sa isang “term” na ginamit ng isang writer noong isang araw na ang pinatutungkulan ay isang female star. Ang salitang ginamit niya ay “harot”.

Iyan ay isang Tagalong word na ang kasingkahulugan o synonym ay “landi”.

In fact mas pino ang “harot” kaysa sa landi, kaya ang sinasabi naman ng isa pa naming kasama ay kulang daw ang salitang “harot”. Pero ang talagang ipinagtawa namin ay iyong sinabi niyang ang “harot” ay may kapatid, na ang description niya ay katunog din ng salitang iyon.

Isipin ninyo, ganoon na kababa ang respeto sa kanya.

 

Show comments