Relasyon nina Angel at Echo nagkakalamat na

MANILA, Philippines - Nagsisimula nang magkalamat ang relasyon ng mga karakter nina Angel Locsin at Jericho Rosales sa top-rating at hottest teleserye ng ABS-CBN na The Legal Wife, ang gabi-gabing mainit na tinututukan ng TV viewers sa kabila ng late-night time slot nito.

Ayon kay Angel, natutuwa sila sa mainit na pagtanggap ng buong sambayanan sa kanilang programa at tinitiyak niyang mas kaabang-abang ang mga susunod na linggo ng The Legal Wife lalo na’t nagkakalapit na ang asawa ni Monica (Angel) na si Adrian (Jericho) at ang kanyang kaibigang si Nicole (Maja Salvador).

“Narito kami para magbigay ng isang napakagandang kuwento na alam kong lahat tayo ay makaka-relate dahil lahat tayo ay nagmahal na at nasaktan. Ang ipapakita lang namin sa show ay ’yung mga totoong nangyayari sa atin, bahala na tayong mamili kung alin ba roon ang tama at alin ang mali,” sabi ni Angel.

Paano tatanggapin ni Monica na ang kaisa-isang lalaking minahal niya ay nagtataksil sa kanya? Ano ang magtutulak kay Adrian para pumasok sa isang espesyal na pagkakaibigan kay Nicole?

Bahagi rin ng cast ng The Legal Wife ang ilan sa pinakamahuhusay na aktor sa larangan ng drama kabilang sina JC de Vera, Joem Bascon, Ahron Villena, Rio Locsin, Mark Gil, at Christopher de Leon. Ito ay sa ilalim ng direksiyon nina Rory Quintos at Dado Lumibao.

Huwag palampasin ang The Legal Wife gabi-gabi pagkatapos ng Got to Believe sa Primetime Bida ng ABS-CBN.

 

Show comments